Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Daniel 12:1-3

Ang Panahon ng Katapusan

12 “Sa(A) panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat.

Marami(B) sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak.

Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman.

Mga Awit 16

Miktam ni David.

16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
    ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”

Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
    sa kanila ako lubos na natutuwa.
Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
    ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
    ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.

Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
    ang aking kapalaran ay hawak mo.
Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
    oo, ako'y may mabuting mana.

Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
    maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
    hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.

Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
    ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
    ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.

11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
    sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
    sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.

Mga Hebreo 10:11-14

11 At(A) bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan.

12 Ngunit(B) nang makapaghandog si Cristo[a] ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos,

13 at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa.

14 Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal.

Mga Hebreo 10:15-18

15 At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin,

16 “Ito(A) ang tipan na aking gagawin sa kanila,
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon;
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso,
    at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pag-iisip,”

17 sinabi(B) rin niya,

“At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

18 Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan.

Mga Hebreo 10:19-25

Lumapit Tayo sa Diyos

19 Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus,

20 na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buháy na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman,

21 at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos,

22 tayo'y(A) lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig.

23 Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat.

24 At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa,

25 na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw.

Marcos 13:1-8

Ang tungkol sa Pagkawasak ng Templo(A)

13 Sa paglabas niya sa templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak.”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(B)

Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres,

“Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?”

Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, “Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman.

Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, ‘Ako siya!’ at maililigaw nila ang marami.

Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas.

Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001