Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 76

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.

76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
    ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
    sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
    ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)

Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
    kaysa mga bundok na walang hanggan.
Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
    sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
    ang makagamit ng kanilang mga kamay.
Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
    ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.

Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
    Sinong makakatayo sa iyong harapan,
    kapag minsang ang galit ay napukaw?
Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
    ang lupa ay natakot, at tumahimik,
nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
    upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)

10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
    ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
    magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
    sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
    na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Daniel 7:19-27

19 Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi;

20 at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama.

21 Habang(A) ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila,

22 hanggang(B) sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian.

23 “Ganito ang kanyang sinabi:
‘Ang ikaapat na halimaw ay
magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa,
na magiging kaiba sa lahat ng kaharian,
at sasakmalin nito ang buong lupa,
yuyurakan ito at pagluluray-lurayin.
24 Tungkol(C) sa sampung sungay,
mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari,
at may isa pang babangong kasunod nila.
Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna,
at kanyang ibabagsak ang tatlong hari.
25 At(D) siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan,
at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan;
at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan;
at sila'y ibibigay sa kanyang kamay
hanggang sa isang panahon,
mga panahon at kalahati ng isang panahon.
26 Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol,
at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin,
upang mapuksa at ganap na mawasak.
27 At(E) ang kaharian, ang kapangyarihan,
at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit,
ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan.
Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian,
at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.’

Apocalipsis 11:1-14

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos(A) ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon.

Ngunit(B) huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan.

Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit-sako.”

Ang(C) mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa.

At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan.

Ang(D) mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin.

At(E) kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di-matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin.

At(F) ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon.

Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing.

10 At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa.

11 Ngunit(G) pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila.

12 At(H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, “Umakyat kayo rito!” At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.

13 At(I) nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit.

14 Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit nang dumating.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001