Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Salmo ni Asaf. Isang Awit.
76 Sa Juda ang Diyos ay kilala,
ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila.
2 Natatag sa Salem ang kanyang tahanan,
sa Zion ang kanyang dakong tirahan.
3 Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso,
ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah)
4 Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal,
kaysa mga bundok na walang hanggan.
5 Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam,
sila'y lumubog sa pagkakatulog,
at wala sa mga mandirigma
ang makagamit ng kanilang mga kamay.
6 Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob,
ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
7 Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot!
Sinong makakatayo sa iyong harapan,
kapag minsang ang galit ay napukaw?
8 Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig,
ang lupa ay natakot, at tumahimik,
9 nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol,
upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah)
10 Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao;
ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
11 Mamanata ka sa Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon,
magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot,
sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot,
12 siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno,
na kinatatakutan ng mga hari sa mundo.
20 Nang ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
21 “Anak ng tao, aking binali ang bisig ni Faraon na hari ng Ehipto; at narito, hindi ito natalian, upang pagalingin ito, ni binalot ng tapal, upang ito ay maging malakas para humawak ng tabak.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ako'y laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at aking babaliin ang kanyang mga bisig, ang malakas na bisig at ang nabali; at aking pababagsakin ang tabak mula sa kanyang kamay.
23 Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin ko sila sa mga lupain.
24 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kanyang kamay; ngunit aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niya tulad ng taong nasugatan nang malubha.
25 Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, ngunit ang mga bisig ni Faraon ay babagsak, at kanilang malalaman na ako ang Panginoon. Kapag aking inilagay ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonia, kanyang iuunat ito sa lupain ng Ehipto.
26 At aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. Kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Pagtatagumpay Laban sa Sanlibutan
25 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa paraang patalinghaga. Darating ang oras, na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi maliwanag na sa inyo'y sasabihin ko ang tungkol sa Ama.
26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi sa inyo na ako'y hihingi sa Ama para sa inyo.
27 Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo, sapagkat ako'y inyong minahal, at kayo'y nanampalataya na ako'y buhat sa Diyos.[a]
28 Ako'y nagbuhat sa Ama at dumating ako sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan, at ako'y pupunta sa Ama.”
29 Sinasabi ng kanyang mga alagad, “Oo nga, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at hindi patalinghaga.
30 Ngayon ay nalalaman namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito'y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos.”
31 Sinagot sila ni Jesus, “Ngayon ba ay sumasampalataya na kayo?
32 Narito, ang oras ay dumarating, at dumating na nga, na kayo'y magkakawatak-watak, ang bawat isa sa kanyang sarili, at ako'y iiwan ninyong mag-isa. Subalit hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko.
33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001