Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
2 Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?
3 O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
4 baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
5 Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
6 Ako'y aawit sa Panginoon,
sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.
Ang Pangitain tungkol sa Lalaking Tupa at Lalaking Kambing
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring si Belshasar, akong si Daniel ay nakakita ng isang pangitain pagkatapos ng unang pangitaing nakita ko.
2 Ako'y tumingin sa pangitain, at habang ako'y tumitingin, ako'y nasa palasyo sa Susa na nasa lalawigan ng Elam, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai.
3 At itiningin ko ang aking mga mata, at aking nakita ang isang lalaking tupa na nakatayo sa pampang ng ilog. Ito ay may dalawang sungay, at ang dalawang sungay ay kapwa mahaba, ngunit ang isa'y higit na mahaba kaysa isa, at ang higit na mahaba ay huling lumitaw.
4 Aking nakita ang lalaking tupa na sumasalakay sa dakong kanluran, hilaga, at timog. Walang hayop na makatagal sa harapan niya, at walang sinumang makapagliligtas mula sa kanyang kapangyarihan. Kanyang ginawa ang ayon sa kanyang nais at itinaas ang kanyang sarili.
5 Habang aking pinapanood, narito, lumitaw ang isang lalaking kambing mula sa kanluran na tumatawid sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumasayad sa lupa. Ang lalaking kambing ay may lantad na sungay sa pagitan ng kanyang mga mata.
6 Ito'y dumaluhong sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa pampang ng ilog, at kanyang sinalakay ito na may matinding poot.
7 Nakita ko itong lumalapit sa lalaking tupa, at ito'y napoot sa kanya at sinaktan ang tupa at binali ang kanyang dalawang sungay. Ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatagal sa harapan nito. Ibinuwal nito sa lupa ang lalaking tupa at niyapakan ito, at walang sinumang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kapangyarihan nito.
8 At lubhang itinaas ng lalaking kambing ang kanyang sarili, ngunit nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali. Sa lugar nito'y lumitaw ang apat na lantad na mga sungay, paharap sa apat na hangin ng langit.
9 Mula sa isa sa mga iyon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na lubhang naging makapangyarihan sa dakong timog, sa dakong silangan at sa maluwalhating lupain.
10 Ito(A) ay lumaki nang lumaki, hanggang sa ang hukbo sa langit at ang ilan sa mga hukbo at mga bituin ay ibinagsak nito sa lupa at niyapakan ang mga iyon.
11 Nagpalalo pa ito laban sa Pinuno ng hukbo; ang patuloy na handog na sinusunog ay pinahinto nito at ang lugar ng kanyang santuwaryo ay ibinagsak.
12 Dahil sa paglabag, ang hukbo ay ibinigay sa kanya kasama ng patuloy na handog na sinusunog. Ibinagsak nito ang katotohanan sa lupa, at ang sungay ay patuloy na nagtagumpay sa ginagawa nito.
13 Pagkatapos nito, narinig kong nagsasalita ang isang banal, at sinabi ng isa pang banal sa nagsalita, “Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog, ang pagsuway na sumisira, at ang pagsusuko sa santuwaryo at sa hukbo upang mayapakan ng paa?”
14 At sinabi niya sa akin, “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo.”
26 Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan,
27 kundi(A) isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway.
28 Ang(B) sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay.
29 Gaano(C) pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya?
30 Sapagkat(D) kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti.” At muli, “Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan.”
31 Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buháy.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001