Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos na Hari

93 Ang Panginoon ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan;
    ang Panginoon ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan.
Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag.
    Ang trono mo'y natatag noong una;
    ikaw ay mula sa walang pasimula.
Ang mga baha ay tumaas, O Panginoon,
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong;
    ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon.
Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig,
    kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat,
    ang Panginoon sa itaas ay makapangyarihan!

Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak;
    ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat,
    O Panginoon, magpakailanman.

Ezekiel 28:20-26

Ang Pahayag Laban sa Sidon

20 At(A) ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

21 “Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Sidon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,

22 at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

‘Narito, ako'y laban sa iyo, O Sidon,
    at aking ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna mo.
At kanilang malalaman na ako ang Panginoon,
    kapag ako'y naglapat ng hatol sa kanya,
    at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanya.
23 Sapagkat ako'y magpapadala sa kanya ng salot
    at dugo sa kanyang mga lansangan;
at ang mga pinatay ay mabubuwal sa gitna niya,
    sa pamamagitan ng tabak na nakaumang sa kanya sa lahat ng panig,
at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

24 “At tungkol sa sambahayan ni Israel, hindi na magkakaroon pa ng tinik o dawag na mananakit sa kanila sa alinman sa nasa palibot nila na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong Diyos.

Pagpapalain ang Israel

25 “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag aking tinipon ang sambahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na si Jacob.

26 At sila'y maninirahang tiwasay doon, at sila'y magtatayo ng mga bahay, at magtatanim ng ubasan. Sila'y maninirahang tiwasay, kapag ako'y naglapat ng mga hatol sa lahat nilang kalapit-bayan na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos.”

1 Corinto 15:20-28

20 Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay.[a]

21 Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay.

22 Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.

23 Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating.

24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.

25 Sapagkat(A) siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa.

26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.

27 Sapagkat(B) ipinasakop ng Diyos[b] ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, “Lahat ng mga bagay ay ipinasakop,” maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya.

28 Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001