Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 13

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

13 O Panginoon, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman?
    Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin?
Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa,
    at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw?
Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin?

O Panginoon kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako,
    ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako;
baka sabihin ng aking kaaway, “Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;”
    sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway.
Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap,
    sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak.
Ako'y aawit sa Panginoon,
    sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan.

Daniel 8:15-27

Ipinaliwanag ni Gabriel ang Pangitain ni Daniel

15 Nang ako, si Daniel, ay makakita sa pangitain, pinagsikapan ko itong maunawaan. At narito, nakatayo sa harapan ko ang isang kawangis ng tao.

16 Narinig(A) ko ang tinig ng isang tao sa may pampang ng Ulai, at ito'y tumawag at nagsabi, “Gabriel, ipaunawa mo sa taong ito ang pangitain.”

17 Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubsob. Ngunit sinabi niya sa akin, “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas.”

18 Samantalang siya'y nagsasalita sa akin, ako'y nakatulog nang mahimbing na ang mukha ay nakasubsob sa lupa. At hinipo niya ako at itinayo.

19 Sinabi niya, “Narito, ipapaalam ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagkat ito'y tungkol sa takdang panahon ng wakas.

20 Ang lalaking tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay ang mga hari ng Media at Persia.

21 Ang lalaking kambing na may magaspang na balahibo ay ang hari ng Grecia, at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari.

22 Ang sungay na nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay ang apat na kaharian na babangon mula sa kanyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.

23 Sa pagtatapos ng kanilang paghahari, kapag ang mga paglabag ay umabot sa kanilang ganap na sukat, isang hari na may mabagsik na pagmumukha ang babangon na nakakaunawa ng mga palaisipan.

24 Ang kanyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan; at siya'y gagawa ng nakakatakot na pagwasak, at siya'y magtatagumpay at gagawin ang kanyang maibigan. Pupuksain niya ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan.

25 Sa pamamagitan ng kanyang katusuhan ay kanyang pauunlarin ang pandaraya sa ilalim ng kanyang kamay; at sa kanyang sariling isipan ay itataas niya ang kanyang sarili. Walang babalang papatayin niya ang marami; siya'y tatayo rin laban sa Pinuno ng mga pinuno; ngunit siya'y mawawasak, hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao.

26 Ang pangitain tungkol sa mga hapon at mga umaga na isinalaysay ay totoo; ngunit ilihim mo ang pangitain, sapagkat ito'y tungkol sa maraming mga araw mula ngayon.”

27 At akong si Daniel ay nanghina, at nagkasakit ng ilang araw. Pagkatapos ay bumangon ako, at ginawa ko ang mga gawain ng hari. Ngunit ako'y pinapanlumo ng pangitain, at walang makapagpaliwanag nito.

Mga Hebreo 10:32-39

32 Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa,

33 na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon.

34 Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal.

35 Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala.

36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako.

37 Sapagkat(A) “sa sandaling panahon,
    ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala.
38 Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya.
    Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya.”

39 Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001