Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Diyos na Hukom ng Lahat
94 O Panginoon, ikaw na Diyos ng paghihiganti,
ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka.
2 Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa,
ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila.
3 O Panginoon, hanggang kailan ang masama,
hanggang kailan magsasaya ang masama?
4 Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan,
lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki.
5 O Panginoon, kanilang dinurog ang iyong bayan,
at ang iyong mana ay sinaktan.
6 Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan,
ang ulila ay kanilang pinatay.
7 At kanilang sinasabi, “Hindi nakikita ng Panginoon,
ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan!
Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal?
9 Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig?
Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?
10 Siyang sumusupil sa mga bansa,
hindi ba siya'y nagpaparusa,
siya na nagtuturo ng kaalaman?
11 Ang(A) mga pag-iisip ng tao ay ang Panginoon ang nakakaalam,
sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman.
12 O Panginoon, mapalad ang tao na iyong sinusupil,
at tinuturuan ng iyong kautusan,
13 upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan,
hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda.
14 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang bayan niya,
hindi niya iiwan ang kanyang mana;
15 sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran,
at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso.
16 Sino ang babangon para sa akin laban sa masama?
Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan?
17 Kung ang Panginoon ay hindi ko naging saklolo,
ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan.
18 Nang aking sabihin, “Ang aking paa ay dumulas,”
O Panginoon, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas.
19 Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala,
ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa.
20 Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan,
silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas?
21 Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid,
at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala.
22 Ngunit ang Panginoon ay naging aking muog;
at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan.
23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan,
at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan;
papawiin sila ng Panginoon naming Diyos.
Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab
1 At nangyari nang mga araw na ang mga hukom ang namumuno, nagkaroon ng taggutom sa lupain. Isang lalaking taga-Bethlehem sa Juda ang umalis upang manirahan sa lupain ng Moab, siya, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki.
2 Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, ang kanyang asawa ay si Naomi, at ang pangalan ng kanyang dalawang anak ay Malon at Chilion. Sila ay mga Efrateo mula sa Bethlehem sa Juda. Sila'y pumunta sa lupain ng Moab at nanatili roon.
3 Ngunit si Elimelec na asawa ni Naomi ay namatay. Si Naomi ay naiwang kasama ang kanyang dalawang anak.
4 Sila'y nag-asawa ng mga babae mula sa Moab. Ang pangalan ng isa'y Orfa, at ang ikalawa ay Ruth. Sila'y nanirahan doon nang may sampung taon.
5 Kapwa namatay sina Malon at Chilion, kaya't ang babae ay naiwan ng kanyang dalawang anak at ng kanyang asawa.
6 Nang magkagayon, siya at ang kanyang dalawang manugang ay nagsimulang bumalik mula sa lupain ng Moab sapagkat kanyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kanyang bayan at binigyan sila ng pagkain.
7 Kaya't siya'y umalis sa dakong kanyang kinaroroonan, kasama ang kanyang dalawang manugang at sila'y naglakbay pabalik sa lupain ng Juda.
8 Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyong ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
9 Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa.” Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan.
10 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.”
11 Ngunit sinabi ni Naomi, “Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa?
12 Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man,
13 maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa akin.”
14 Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya.
Sina Naomi at Ruth ay Bumalik sa Juda
15 Sinabi niya, “Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas.”
16 Ngunit sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.
17 Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng Panginoon sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo.”
18 Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi.
19 Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, “Ito ba si Naomi?”
20 Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara,[a] sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat.[b]
21 Ako'y umalis na punó, ngunit ako'y pinauwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang Panginoon ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?”
22 Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada.
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2 sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3 Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4 Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5 Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6 subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8 Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001