Revised Common Lectionary (Complementary)
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
17 “Huwag(A) mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo;
18 kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito.
19 “Kapag(B) inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.
20 Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
21 Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.
22 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(A)
12 Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya.
13 At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.
14 Sinabi niya rito, “Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Ito'y narinig ng kanyang mga alagad.
Ang Aral mula sa Namatay na Punong Igos(A)
20 Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat.
21 Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, “Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.”
22 At sumagot si Jesus sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.
23 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya.
24 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001