Revised Common Lectionary (Complementary)
Miktam ni David.
16 Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong.
2 Sinasabi ko sa Panginoon, “Ikaw ay aking Panginoon;
ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo.”
3 Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal,
sa kanila ako lubos na natutuwa.
4 Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan;
ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos,
ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan.
5 Ang Panginoon ang aking piling bahagi at aking saro;
ang aking kapalaran ay hawak mo.
6 Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako;
oo, ako'y may mabuting mana.
7 Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo;
maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso.
8 Lagi kong pinananatili ang Panginoon sa aking harapan;
hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan.
9 Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa;
ang akin namang katawan ay tatahang payapa.
10 Sapagkat(A) ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan,
ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay.
11 Iyong(B) ipinakita sa akin ang landas ng buhay:
sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan;
sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman.
28 Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar.
29 Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia.
30 Nagsalita ang hari at sinabi, “Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?”
31 Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, “O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo!
32 Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin.”
33 Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon.
Pinuri ni Nebukadnezar ang Diyos
34 At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nagtaas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman.
Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan,
at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi.
35 Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala;
at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit,
at sa mga nananahan sa lupa.
Walang makakahadlang sa kanyang kamay,
o makapagsasabi sa kanya, “Anong ginagawa mo?”
36 Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin.
37 Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan.
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(A)
12 Nagsimula(B) siyang magsalita sa kanila sa mga talinghaga. “Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay ng pisaan ng ubas, nagtayo ng isang tore, pinaupahan iyon sa mga magsasaka, at nagpunta siya sa ibang lupain.
2 Nang dumating ang kapanahunan, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang kunin sa kanila ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan.
3 Ngunit siya'y kanilang sinunggaban, binugbog at pinaalis na walang dala.
4 Siya'y muling nagsugo sa kanila ng isa pang alipin at ito'y kanilang pinalo sa ulo at nilait.
5 Nagsugo siya ng isa pa at ito'y kanilang pinatay; gayundin sa marami pang iba. Binugbog ang ilan at ang iba'y pinatay.
6 Mayroon pa siyang isa, isang minamahal na anak na lalaki. Sa kahuli-hulihan siya'y kanyang isinugo sa kanila na sinasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
7 Ngunit sinabi ng mga magsasakang iyon sa isa't isa, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at magiging atin ang mana.’
8 At siya'y kanilang sinunggaban, pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
9 Ano kaya ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba.
10 Hindi(C) pa ba ninyo nababasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo ng gusali,
ay siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at ito'y kagila-gilalas sa ating mga mata?’”
12 Nang kanilang mahalata na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang hulihin siya, ngunit sila'y natakot sa maraming tao at siya'y iniwan nila at sila'y umalis.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001