Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:17-24

GIMEL.

17 Gawan ng mabuti ang iyong lingkod,
    upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo.
18 Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko,
    ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo.
19 Ako'y isang dayuhan sa lupain,
    huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin.
20 Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik
    sa lahat ng panahon sa mga batas mo.
21 Iyong sinasaway ang mga walang galang,
    ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos.
22 Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo,
    sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23 Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin;
    ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin.
24 Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo,
    ang mga iyon ay aking mga tagapayo.

Exodo 4:1-17

Ang mga Tanda at Pangako

Si Moises ay sumagot at nagsabi, “Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, ‘Ang Panginoon ay hindi nagpakita sa iyo.’”

Sinabi naman sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang nasa iyong kamay?” Kanyang sinabi, “Isang tungkod.”

Kanyang sinabi, “Ihagis mo sa lupa.” Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot.” Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay.

“Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa sa kanya ng Panginoon, “Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe.

Sinabi ng Diyos, “Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib.” Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman.

“Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda.

Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.”

10 Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong Panginoon?

12 Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin.”

13 Ngunit kanyang sinabi, “O Panginoon, iba na ang iyong suguin.”

14 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, “Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso.

15 Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin.

16 Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya.

17 Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda.”

1 Pedro 2:1-10

Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal

Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang-puri.

Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan,

kung(A) natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti.

Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buháy, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at

tulad ng mga batong buháy, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.

Sapagkat(B) ito ang isinasaad ng kasulatan:

“Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato,
    isang batong panulok na pinili at mahalaga;
at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”

Kaya't(C) sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya,

“Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ay siyang naging puno ng panulok,”

at,(D)

“Isang batong nagpapatisod sa kanila,
    at malaking bato na nagpabagsak sa kanila.”

Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga.

Ngunit(E) kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag.

10 Noon(F) ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001