Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
Nagsalita si Samuel sa Bayan
12 Sinabi ni Samuel sa buong Israel, “Narito, aking pinakinggan ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin, at naglagay ako ng isang hari para sa inyo.
2 Tingnan ninyo, ang hari ang nangunguna sa inyo ngayon. Ako'y matanda na at ubanin, ngunit ang aking mga anak ay kasama ninyo. Nanguna ako sa inyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito.
3 Narito ako; sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng Panginoon, at sa harap ng kanyang binuhusan ng langis. Kaninong baka ang kinuha ko? O kaninong asno ang kinuha ko? O sino ang aking dinaya? Sino ang aking inapi? O kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyon ang aking mga mata? Sumaksi kayo laban sa akin at aking isasauli sa inyo.”
4 Kanilang sinabi, “Hindi ka nandaya sa amin, ni inapi kami, ni tumanggap man ng anuman sa kamay ng sinuman.”
5 At sinabi niya sa kanila, “Ang Panginoon ay saksi laban sa inyo at ang kanyang binuhusan ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakatagpo ng anuman sa aking kamay.” At kanilang sinabi, “Siya'y saksi.”
6 At(A) sinabi ni Samuel sa bayan, “Ang Panginoon ang siyang humirang kina Moises at Aaron at siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto.
7 Ngayon nga'y tumayo kayo, upang ako'y makiusap na kasama ninyo sa harap ng Panginoon tungkol sa lahat ng matuwid na gawa ng Panginoon na kanyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno.
8 Nang(B) si Jacob ay makapasok sa Ehipto, at ang inyong mga ninuno ay dumaing sa Panginoon, sinugo ng Panginoon sina Moises at Aaron, na siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa Ehipto, at pinatira sila sa lugar na ito.
9 Ngunit(C) nilimot nila ang Panginoon nilang Diyos. Kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Sisera, na pinuno ng hukbo ni Hazor, at sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng hari sa Moab; at sila'y nakipaglaban sa kanila.
10 Sila'y(D) dumaing sa Panginoon at nagsabi, ‘Kami ay nagkasala, sapagkat tinalikuran namin ang Panginoon at naglingkod kami sa mga Baal at sa mga Astarot; ngunit ngayo'y iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway at kami ay maglilingkod sa iyo.’
11 Kaya't(E) isinugo ng Panginoon sina Jerubaal, Bedan,[a] Jefta, at si Samuel, at iniligtas kayo sa kamay ng inyong mga kaaway sa bawat dako, at kayo'y nanirahang tiwasay.
12 Nang(F) makita ninyo na si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay dumating laban sa inyo, ay inyong sinabi sa akin, ‘Hindi, kundi isang hari ang maghahari sa amin;’ bagaman ang Panginoon ninyong Diyos ay siya ninyong hari.
13 Ngayon nga'y masdan ninyo ang hari na inyong pinili, na siya ninyong hiningi: at, tingnan ninyo, nilagyan kayo ng Panginoon sa inyo ng isang hari.
14 Kung kayo'y matatakot sa Panginoon, maglilingkod sa kanya, makikinig sa kanyang tinig, at hindi maghihimagsik laban sa utos ng Panginoon, at kung kayo at ang hari na naghahari sa inyo ay magiging masunurin sa Panginoon ninyong Diyos, ito ay magiging mabuti.
15 Ngunit kung hindi ninyo papakinggan ang tinig ng Panginoon, kundi maghihimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon, ay magiging laban sa inyo ang kamay ng Panginoon gaya ng sa inyong mga ninuno.
16 Ngayon ay tumahimik kayo at tingnan ninyo ang dakilang bagay na ito na gagawin ng Panginoon sa harap ng inyong mga paningin.
17 Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Ako'y tatawag sa Panginoon upang siya'y magpadala ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na napakalaki ang kasamaan na inyong ginawa sa paningin ng Panginoon sa paghingi ninyo para sa inyong sarili ng isang hari.”
18 Kaya't tumawag si Samuel sa Panginoon at ang Panginoon ay nagpadala ng kulog at ulan nang araw na iyon. Ang buong bayan ay lubhang natakot sa Panginoon at kay Samuel.
19 Sinabi ng buong bayan kay Samuel, “Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa Panginoon mong Diyos upang huwag kaming mamatay; sapagkat aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari.”
20 At sinabi ni Samuel sa bayan, “Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma'y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa Panginoon, kundi kayo'y maglingkod nang buong puso sa Panginoon.
21 Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan.
22 Sapagkat hindi itatakuwil ng Panginoon ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng Panginoon na gawin kayong bayan para sa kanya.
23 Bukod dito, sa ganang akin, huwag nawang mangyari sa akin na ako'y magkasala laban sa Panginoon sa paghinto ng pananalangin para sa inyo, kundi ituturo ko sa inyo ang mabuti at matuwid na daan.
24 Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo nang tapat sa kanya ng inyong buong puso. Alalahanin ninyo ang mga dakilang bagay na kanyang ginawa sa inyo.
25 Ngunit kung kayo'y gagawa pa rin ng kasamaan, kayo at ang inyong hari ay mapupuksa.”
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.
2 Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.
3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.
4 Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.
5 Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.
6 Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”
8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”
9 Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”
10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.
11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”
12 Kaya(A) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?
13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.
14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.
15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.
16 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.
17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001