Revised Common Lectionary (Complementary)
23 Ang mga lakad ng isang tao ay ang Panginoon ang nagtatatag;
at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad;
24 bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal,
sapagkat ang Panginoon ang aalalay sa kanyang kamay.
25 Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na;
gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan,
ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay.
26 Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram;
at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala.
27 Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti;
upang sa magpakailanman ikaw ay manatili.
28 Sapagkat iniibig ng Panginoon ang katarungan,
hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag.
29 Mamanahin ng matuwid ang lupain,
at maninirahan doon magpakailanman.
30 Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan,
at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan.
31 Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay,
hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang.
32 Inaabangan ng masama ang matuwid na tao,
at pinagsisikapang patayin niya ito.
33 Hindi siya iiwan ng Panginoon sa kanyang kamay,
ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan.
34 Hintayin mo ang Panginoon, at ingatan ang kanyang daan,
at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain;
ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan.
35 Nakakita ako ng masama at marahas na tao,
na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan.
36 Muli akong dumaan at, narito, wala na siya;
kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita.
37 Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan,
sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan.
38 Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain;
ang susunod na lahi ng masama ay puputulin.
39 Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa Panginoon;
siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon.
40 At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng Panginoon;
kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila,
sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya.
Si Saul ay Ipinagbunyi Bilang Hari
17 At tinipon ni Samuel ang bayan sa Panginoon sa Mizpa
18 at sinabi niya sa mga anak ni Israel, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.’
19 Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, ‘Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.’ Ngayon nga'y humarap kayo sa Panginoon ayon sa inyu-inyong mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo.”
20 Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan.
21 Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan.
22 Kaya't muli nilang itinanong sa Panginoon, “May lalaki pa bang pupunta rito?” At ang Panginoon ay sumagot, “Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan.”
23 Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas.
24 Sinabi ni Samuel sa buong bayan, “Nakikita ba ninyo siya na pinili ng Panginoon? Walang gaya niya sa buong bayan.” Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, “Mabuhay ang hari!”
25 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng Panginoon. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay.
Ang Katiyakan ng Pangako ng Diyos
13 Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili,
14 na(A) sinasabi, “Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita.”
15 Kaya't si Abraham,[a] nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako.
16 Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin.
17 Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa;
18 upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di-mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin.
19 Taglay(B) natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing,
20 na(C) doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001