Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 106:1-6

Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan

106 Purihin(A) ang Panginoon!
    O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
    o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
    na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.

Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
    dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
    upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
    upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
    kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.

Mga Awit 106:13-23

13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
    hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(A) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
    at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
    ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.

16 Nang(B) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
    at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
    at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
    sinunog ng apoy ang masasama.

19 Sila'y(C) gumawa sa Horeb ng guya,
    at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
    sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
    na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
    at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
    kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
    upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.

Mga Awit 106:47-48

47 O(A) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
    at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
    at lumuwalhati sa iyong kapurihan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
    Purihin ang Panginoon!

Deuteronomio 4:21-40

21 At(A) nagalit sa akin ang Panginoon dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng Panginoon mong Diyos sa iyo bilang pamana.

22 Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito.

23 Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

24 Sapagkat(B) ang Panginoon mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin.

25 “Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng Panginoon mong Diyos, upang siya ay galitin;

26 aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa.

27 Ikakalat(C) kayo ng Panginoon sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng Panginoon.

28 Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy.

29 Ngunit(D) kung mula roon ay iyong hahanapin ang Panginoon mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa.

30 Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa Panginoon mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.

31 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila.

32 “Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito?

33 Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa?

34 O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng Panginoon mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin?

35 Ipinakita(E) sa iyo ito, upang makilala mo na ang Panginoon ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya.

36 Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy.

37 At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan,

38 na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang lalong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito.

39 Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang Panginoon ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa.

40 Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng Panginoon mong Diyos.”

Marcos 7:9-23

Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.

10 Sapagkat(A) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’

11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’

12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,

13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.

15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”

16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]

17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.

18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,

19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”

20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.

21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,

22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.

23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001