Revised Common Lectionary (Complementary)
4 Ngunit(A) siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punungkahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, “Sapat na; ngayon, O Panginoon, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno.”
5 Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, “Bumangon ka at kumain.”
6 Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, “Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo.”
8 Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos.
Awit(A) ni David, nang siya'y nagkunwaring baliw sa harapan ni Abimelec, kaya't pinalayas siya nito, at siya'y umalis.
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng panahon;
ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy.
2 Nagmamapuri sa Panginoon ang aking kaluluwa,
marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya.
3 O kasama kong dakilain ninyo ang Panginoon,
at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan!
4 Hinanap ko ang Panginoon, at ako'y kanyang sinagot,
at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot.
5 Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang,
at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman.
6 Ang abang taong ito ay dumaing, at ang Panginoon sa kanya'y nakinig,
at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay
sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila.
8 O(B) inyong subukan at tingnan na mabuti ang Panginoon!
Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong.
25 Kaya't(A) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.
26 Magalit(B) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,
27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.
28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.
29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[a] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.
30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.
31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,
32 at(C) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.
Lumakad sa Liwanag
5 Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal,
2 at(D) lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy.
35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.
41 Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit.”
42 Kanilang sinabi, “Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, ‘Ako'y bumabang galing sa langit?’”
43 Sumagot si Jesus sa kanila, “Huwag kayong magbulung-bulungan.
44 Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
45 Nasusulat(A) sa mga propeta, ‘At tuturuan silang lahat ng Diyos.’ Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin.
46 Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama.
47 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan.
48 Ako ang tinapay ng buhay.
49 Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay.
50 Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay.
51 Ako ang tinapay na buháy na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001