Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Ang Gintong Guya(A)
32 Nang(B) makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, “Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.”
2 At sinabi ni Aaron sa kanila, “Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyong asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin.”
3 Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron.
4 Kanyang(C) tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, “Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!”
5 Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, “Bukas ay isang pista sa Panginoon.”
6 Kinaumagahan,(D) sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama.
8 Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, ‘Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!’”
9 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo.
10 Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa.”
11 Ngunit(E) nagsumamo si Moises sa Panginoon niyang Diyos, at sinabi, “ Panginoon, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay?
12 Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, ‘Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?’ Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan.
13 Alalahanin(F) mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, ‘Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.’”
14 At nagbago ang isip ng Panginoon sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan.
Pagbati
1 Si(A) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.
Pananampalataya at Karunungan
2 Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,
3 yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.
4 At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.
5 Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.
6 Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.
7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.
8 Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001