Revised Common Lectionary (Complementary)
15 Ang mga mata ng Panginoon ay sa matuwid nakatitig,
at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig.
16 Ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama,
upang tanggalin ang alaala nila sa lupa.
17 Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig,
at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo.
18 Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak,
at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.
19 Marami ang kapighatian ng matuwid;
ngunit inililigtas siya ng Panginoon sa lahat ng mga iyon.
20 Lahat(A) nitong mga buto ay iniingatan niya,
sa mga iyon ay hindi nababali ni isa.
21 Ang masama ay papatayin ng kasamaan,
at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan.
22 Tinutubos ng Panginoon ang buhay ng mga lingkod niya;
walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10 Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12 Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14 Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15 At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16 “Ganito(A) ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17 Hindi(B) pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18 upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19 Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20 Hindi(C) ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
11 Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una.
12 Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag.
13 Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho.
14 Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001