Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 34:9-14

O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
    ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.

11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
    ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(A) tao ang nagnanasa ng buhay,
    at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
    at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
    hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.

Job 13:1-19

Ipinilit ni Job na Wala Siyang Kasalanan

13 “Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata,
    ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman:
    Hindi ako mababa sa inyo.
Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat,
    at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos.
Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan,
    kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
Nawa ay tumahimik kayong lahat,
    at magiging inyong karunungan!
Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran,
    at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan.
Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos,
    at mangungusap na may pandaraya para sa kanya?
Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya?
    Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos?
Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo?
    O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao?
10 Walang pagsalang sasawayin niya kayo,
    kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi.
11 Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan,
    at ang sindak sa kanya ay sasainyo?
12 Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo,
    ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik.

13 “Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita,
    at hayaang dumating sa akin ang anuman.
14 Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman,
    at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay?
15 Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya,
    gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya.
16 Ito ang aking magiging kaligtasan,
    na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya.
17 Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
    at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko.
18 Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin;
    alam ko na ako'y mapapawalang sala.
19 Sino ang makikipagtalo sa akin?
    Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay.

Juan 4:7-26

Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bigyan mo ako ng inumin.”

Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain.

Sinabi(A) sa kanya ng babaing Samaritana, “Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.)[a]

10 Sumagot si Jesus, “Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, ‘Bigyan mo ako ng inumin;’ ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”

11 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buháy?

12 Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?”

13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,

14 subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan.

15 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib.”

16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.”

17 Ang babae ay sumagot sa kanya, “Wala akong asawa.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tama ang sabi mo, ‘Wala akong asawa;’

18 sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito.”

19 Sinabi sa kanya ng babae, “Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta.

20 Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem.”

21 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem.

22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio.

23 Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya.

24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan.”

25 Sinabi ng babae sa kanya, “Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.”

26 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001