Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 34:9-14

O matakot kayo sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang!
10 Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom;
    ngunit silang humahanap sa Panginoon sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat.

11 Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako,
    ang takot sa Panginoon ay ituturo ko sa inyo.
12 Sinong(A) tao ang nagnanasa ng buhay,
    at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti?
13 Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama,
    at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya.
14 Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin;
    hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin.

Job 12

Pinatunayan ni Job ang Kapangyarihan ng Diyos

12 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,

“Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan,
    at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan.
Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo;
    hindi ako mas mababa sa inyo.
    Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito?
Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan,
    ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya,
    isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan.
Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian;
    nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa.
Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan,
    at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay;
    na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay.

“Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan ka nila;
    ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihin sa iyo;
o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila;
    at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo.
Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito,
    na ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito?
10 “Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay,
    at ang hininga ng lahat ng mga tao.
11 Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig,
    gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain?
12 Nasa matatanda ang karunungan,
    ang haba ng buhay ay ang kaunawaan.
13 “Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan;
    kanya ang payo at kaunawaan.
14 Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo,
    kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas.
15 Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito;
    kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito.
16 Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan,
    ang nadaya at ang mandaraya ay kanya.
17 Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo,
    at ginagawa niyang hangal ang mga hukom.
18 Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari,
    at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis.
19 Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad,
    at pinababagsak ang makapangyarihan.
20 Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan,
    at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda.
21 Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno,
    at kinakalag ang pamigkis ng malakas.
22 Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman,
    at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman.
23 Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito.
    Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito.
24 Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa,
    at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan.
25 Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag,
    at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing.

Roma 16:17-20

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila.

18 Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati[a] ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang.

19 Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan.

20 At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001