Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan
106 Purihin(A) ang Panginoon!
O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
3 Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.
4 Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
5 upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6 Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(A) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.
16 Nang(B) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
sinunog ng apoy ang masasama.
19 Sila'y(C) gumawa sa Horeb ng guya,
at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.
47 O(A) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
Purihin ang Panginoon!
9 “Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak.
10 Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng Panginoon mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng Panginoon, ‘Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak.’
11 Kayo'y(A) lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman.
12 Ang Panginoon ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang.
13 At(B) kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato.
14 Iniutos(C) sa akin ng Panginoon nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin.
Ang Mabuting Lingkod ni Cristo
6 Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod.
7 Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan,
8 sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating.
9 Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos.
10 Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap,[a] sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buháy, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya.
11 Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito.
12 Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.
13 Hanggang sa dumating ako, bigyang-pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo.
14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda.
15 Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat.
16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001