Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 81

Awit para sa Pagdiriwang

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ni Asaf.

81 Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan;
    sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan!
Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta,
    ang masayang lira at ang alpa.
Hipan(A) ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan,
    sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang.
Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel,
    isang batas ng Diyos ni Jacob.
Ginawa niya itong patotoo sa Jose,
    nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto.

Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala:
“Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat;
    ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket.
Ikaw(B) ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita;
    sinagot kita sa lihim na dako ng kulog;
    sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah)
O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin,
    O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin!
Hindi(C) magkakaroon ng ibang diyos sa inyo;
    at huwag kang yuyukod sa ibang diyos.
10 Ako ang Panginoon mong Diyos,
    na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto.
    Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin.

11 “Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig;
    hindi ako sinunod ng Israel.
12 Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso,
    upang sumunod sa kanilang sariling mga payo.
13 O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan,
    ang Israel ay lalakad sa aking mga daan!
14 Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway,
    at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban.
15 Ang mga napopoot sa Panginoon ay yuyuko sa kanya,
    at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman.
16 Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo,
    at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato.”

Jeremias 31:1-6

Ang Pagbabalik ng Israel

31 “Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ako ang magiging Diyos ng lahat ng angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan.”

Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Ang mga taong nakaligtas sa tabak
    ay nakatagpo ng biyaya sa ilang;
nang ang Israel ay maghanap ng kapahingahan.
    Ang Panginoon ay nagpakita sa kanya mula sa malayo.
Inibig kita ng isang walang hanggang pag-ibig,
    kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo.
Muli kitang itatayo, at ikaw ay muling maitatayo,
    O birhen ng Israel!
Muli mong gagayakan ang iyong sarili ng mga tamburin,
    at lalabas ka sa pagsasayaw ng mga nagsasaya.
Muli kang magtatanim ng mga ubasan
    sa mga bundok ng Samaria;
ang mga tagapagtanim ay magtatanim,
    at masisiyahan sa bunga.
Sapagkat magkakaroon ng araw na ang mga bantay ay sisigaw
    sa mga burol ng Efraim:
‘Bangon, at tayo'y umahon sa Zion,
    sa Panginoon nating Diyos.’”

Juan 6:35-40

35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw.

36 Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya.

37 Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy.

38 Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw.

40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001