Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Nagalit si Moises
15 Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon.
16 Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas.
17 Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, “May ingay ng digmaan sa kampo.”
18 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig.”
19 Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok.
20 Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel.
21 At sinabi ni Moises kay Aaron, “Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?”
22 Sinabi ni Aaron, “Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan.
23 Sapagkat kanilang sinabi sa akin, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.’
24 At aking sinabi sa kanila, ‘Sinumang may ginto ay hubarin ito,’ at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!”
Pinarusahan ang mga Tao
25 Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway),
26 tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, “Sino ang nasa panig ng Panginoon? Lumapit kayo sa akin.” At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya.
27 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.’”
28 Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon.
29 Sinabi ni Moises, “Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa Panginoon, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito.”
30 Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, “Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa Panginoon; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan.”
31 Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, “O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto.
32 Ngunit(A) ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan—at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo.”
33 Ngunit sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat.
34 Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan.”
35 At ang Panginoon ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya—yaong ginawa ni Aaron.
Kahirapan at Kayamanan
9 Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,
10 at(A) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.
11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.
Tukso at Pagsubok
12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga nagmamahal sa kanya.
13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.
14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;
15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.
16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001