Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 36

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.

36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
    sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
    sa kanyang mga mata.
Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
    na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
    sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
    inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
    ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.

Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
    hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
    ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
    O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.

Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
    Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
    at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
    sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.

10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
    at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
    ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
    sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.

Genesis 45:1-15

Nagpakilala si Jose sa Kanyang mga Kapatid

45 Kaya't(A) hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, “Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan.” Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid.

Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon.

Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Ako'y si Jose. Buháy pa ba ang aking ama?” Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan.

Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, “Lumapit kayo sa akin.” At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, “Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto.

Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay.

Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man.

Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buháy para sa inyo ang maraming nakaligtas.

Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto.

Magmadali(B) kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal.

10 Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari.

11 At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.’

12 Nakikita ng inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo.

13 Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama.”

14 Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg.

15 Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid.

Mga Gawa 7:9-16

“Ang(A) mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya.

10 Siya'y(B) iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya.

11 Dumating(C) noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno.

12 Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno.

13 At(D) sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose.

14 Pagkatapos(E) ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao.

15 Kaya't(F) nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno.

16 Sila'y(G) ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001