Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.
36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
sa kanyang mga mata.
2 Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
3 Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
4 Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.
5 Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
6 Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.
7 Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
8 Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
9 Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.
10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.
Ang Taggutom at ang Bunga Noon
13 Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.
14 Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon.
15 Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, “Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na.”
16 Sinabi ni Jose, “Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi.”
17 Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop.
18 Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, “Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain.
19 Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman.”
20 Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon.
21 At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo.
22 Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa.
23 Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, “Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa.
24 Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak.”
25 Kanilang sinabi, “Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon.”
26 Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon.
Ang Lebadura ng mga Fariseo at ni Herodes(A)
14 Noon ay nakalimutan ng mga alagad[a] na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka.
15 Kanyang(B) binalaan sila na sinabi, “Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes.”
16 At sinabi nila sa isa't isa, “Ito ay sapagkat wala tayong tinapay.”
17 Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso?
18 Mayroon(C) kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan?
19 Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?” Sinabi nila sa kanya, “Labindalawa.”
20 “Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na punô ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.”
21 Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001