Revised Common Lectionary (Complementary)
IKALIMANG AKLAT
107 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili.
2 Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon,
na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway,
3 at tinipon mula sa mga lupain,
mula sa silangan at mula sa kanluran,
mula sa hilaga at mula sa timugan.
33 Kanyang ginawang ilang ang mga ilog,
at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig,
34 maalat na ilang ang mabungang lupain,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang,
at mga bukal ang tuyong lupain.
36 At kanyang pinatitira roon ang gutom,
upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan;
37 at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan,
at magtamo ng mga saganang ani.
38 Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami;
at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan.
39 Nang sila'y nawalan at napahiya
sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian,
40 kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno,
at pinagala sila sa ilang na walang lansangan.
41 Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan,
at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan.
42 Nakikita ito ng matuwid at natutuwa;
at tumikom ang bibig ng lahat ng masama.
43 Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito,
at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng Panginoon.
Habag para sa Lahat
55 “O(A) lahat ng nauuhaw,
pumarito kayo sa tubig
at siyang walang salapi,
pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain!
Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas
ng walang salapi at walang halaga.
2 Ano't kayo'y gumugugol ng salapi sa hindi pagkain,
at ng inyong sahod sa hindi nakakabusog?
Pakinggan ninyo akong mabuti, at kainin ninyo kung ano ang mabuti,
at malugod kayo sa katabaan.
3 Ang(B) inyong tainga ay inyong ikiling, at pumarito kayo sa akin;
kayo'y makinig upang ang inyong kaluluwa ay mabuhay.
Ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan,
ayon sa tapat na kahabagang ipinakita kay David.
4 Narito, ginawa ko siyang saksi sa mga bayan,
isang pinuno at punong-kawal para sa mga bayan.
5 Narito, ang mga bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo,
at ang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo,
dahil sa Panginoon mong Diyos, at para sa Banal ng Israel;
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
6 “Inyong hanapin ang Panginoon habang siya'y matatagpuan,
tumawag kayo sa kanya habang siya'y malapit.
7 Lisanin ng masama ang kanyang lakad,
at ng liko ang kanyang mga pag-iisip;
at manumbalik siya sa Panginoon, at kanyang kaaawaan siya;
at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana.
8 Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip,
ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng Panginoon.
9 Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa,
gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan,
at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(A)
8 Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila,
2 “Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain.
3 Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo.”
4 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?”
5 At sila'y tinanong niya, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito.”
6 Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao.
7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito.
8 Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno.
9 Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila.
10 At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001