M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)
16 Pagkaraan ng araw ng Sabbath, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng pabango upang pahiran ang bangkay ni Jesus. 2 Pagkasikat ng araw nang unang araw ng Linggo, maagang-maaga pa ay pumunta sila sa libingan. 3 Nag-uusap-usap sila habang nasa daan, “Sino kaya ang mapapakiusapan nating maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” 4 Ngunit natanaw nilang naigulong na ang napakalaking batong pantakip. 5 Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit. Nakaupo ito sa gawing kanan. At natakot sila. 6 Ngunit sinabi ng binata sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth, ang ipinako sa krus; wala na siya rito; Siya'y binuhay na muli! Tingnan ninyo ang lugar na pinaglagyan sa kanya! 7 Humayo (B) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ” 8 Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis, nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot ay walang masabing anuman.
ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS
Sinabi ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama nito ang lahat ng mga iniutos sa kanila. At pagkatapos, sinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad sa buong daigdig, na ipangaral nila ang banal at di lilipas na kapahayagan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.
ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(C)
9 [Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(D)
12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.
Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(E)
14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (F) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[a] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(G)
19 Pagkatapos (H) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][b]
Mga Pagbati
16 Itinatagubilin ko sa inyo ang kapatid nating si Phoebe, na isang lingkod ng iglesya sa Cencrea. 2 Tanggapin ninyo siya sa Panginoon, tulad ng pagtanggap na nararapat sa mga kapatid.[a] Tulungan ninyo siya sa mga kakailanganin niya sa inyo, sapagkat marami siyang natulungan at isa na ako roon.
3 Batiin (A) ninyo sina Prisca at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. 4 Inilagay nila ang kanilang buhay sa panganib dahil sa akin. Hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati lahat ng mga iglesya ng mga Hentil. 5 Batiin din ninyo ang iglesyang nagtitipon sa bahay nila. Batiin din ninyo ang mahal kong si Epeneto, ang unang sumampalataya kay Cristo sa Asia. 6 Batiin ninyo si Maria, na malaki ang hirap para sa inyo. 7 Batiin ninyo sina Andronico at Junias, mga kamag-anak ko at mga nakasama ko sa bilangguan. Kilala silang kasama ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa akin. 8 Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. 9 Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, gayundin si Estaquis na aking minamahal. 10 Batiin ninyo si Apeles na subok ang katapatan kay Cristo. Batiin ninyo ang sambahayan ni Aristobulo. 11 Batiin ninyo ang kamag-anak kong si Herodion. Batiin ninyo ang mga nasa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. 12 Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa, masisikap na naglilingkod sa Panginoon. Batiin ninyo ang mahal kong si Persida, na marami nang pagsisikap para sa Panginoon. 13 Batiin ninyo (B) si Rufo, ang hinirang ng Panginoon, at ang kanyang ina, na para ko na ring ina. 14 Batiin ninyo sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin ninyo sina Filologo, Julia, at Nereo at ang kanyang kapatid na babae, gayundin si Olimpas, at sa lahat ng mga banal na kasama nila. 16 Magbatian kayo ng banal na halik. Bumabati sa inyo ang lahat ng mga iglesya ni Cristo.
Mga Dagdag na Tagubilin
17 Ipinakikiusap ko sa inyo, mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga pinagmumulan ng pagkakampi-kampi at sa mga sanhi ng pagkatisod, na salungat sa aral na inyong natutuhan. Layuan ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga katulad nila ay hindi kay Cristong ating Panginoon na pinaglilingkuran kundi sa sarili nilang tiyan. Dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang sa pamamagitan ng kanilang pananalita na maganda sa pandinig at may mapagkunwaring papuri. 19 Labis akong nagagalak sapagkat napabalita sa lahat ng tao ang inyong pagsunod. Gayunman, nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at maging walang muwang sa masama. 20 At ang Diyos ng kapayapaan ay malapit nang dumurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.
Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus.[b]
21 Binabati (C) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kamag-anak kong sina Lucio, Jason at Sosipatro. 22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon. 23 Binabati (D) kayo ni Gaio na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng kapatid na si Cuarto. 24 [Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][c]
25 At ngayon, sa Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng ebanghelyong aking ipinangangaral, at ng mensaheng hatid ni Jesu-Cristo ayon sa pagkahayag sa hiwagang ikinubli sa loob ng napakahabang panahon, 26 ngunit sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag na ngayon at ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang sila'y sumunod sa pananampalataya, sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta— 27 sa Diyos na tanging marunong, sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.