M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad(A)
5 Samantalang si Jesus ay nakatayo sa baybay ng lawa ng Genesaret at habang nag-uunahang palapit sa kanya ang mga tao upang makinig sa salita ng Diyos, 2 nakita niya ang dalawang bangkang nakadaong sa tabi ng lawa. Wala na sa mga bangka ang mga mangingisda dahil naghuhugas na ng kanilang mga lambat. 3 Sinakyan niya ang bangka na pag-aari ni Simon. Hiniling niya kay Simon na sumagwan nang kaunti palayo sa lupa. Umupo siya at nagturo sa mga tao mula sa bangka. 4 Nang matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, “Dumako kayo sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” 5 Sumagot si Simon, “Ginoo, buong magdamag po kaming nagtiyaga ngunit wala kaming nahuli. Subalit dahil sa inyong utos, ihuhulog ko ang lambat.” 6 Pagkagawa nila nito, nakahuli sila ng napakaraming isda na halos ikapunit ng kanilang mga lambat. 7 Kaya't kinawayan nila ang kanilang mga kasamahan sa kabilang bangka upang lumapit at tumulong sa kanila. Lumapit nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang sa halos lumubog na ang mga ito. 8 Nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa harap ni Jesus habang sinasabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y taong makasalanan.” 9 Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang mga kasama ay namangha dahil sa nahuli nilang mga isda, 10 gayundin ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan, na mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayon, ikaw ay magiging tagapangisda na ng mga tao.” 11 Nang maidaong na nila sa lupa ang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.
Pinagaling ang Isang Ketongin(B)
12 Minsan ay nasa isang bayan si Jesus nang dumating ang isang lalaking punung-puno ng ketong. Pagkakita nito kay Jesus, patirapa itong nakiusap sa kanya, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako ay mapagagaling ninyo.” 13 Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinawakan ang lalaki at sinabi, “Nais ko, gumaling ka!” At agad nawala ang ketong ng lalaki. 14 Pinagbilinan ni Jesus ang lalaki, “Huwag mo itong ipagsasabi kaninuman. Humayo ka at ipasuri mo ang iyong sarili sa pari, at mag-alay ng ayon sa iniutos ni Moises tungkol sa iyong pagkalinis bilang patotoo sa kanila.” 15 Ngunit lalong kumalat ang balita tungkol kay Jesus at pinagkaguluhan siya ng napakaraming tao upang makinig at magpagamot ng kanilang mga karamdaman. 16 Ngunit siya ay umiwas patungong ilang at nanalangin.
Pinagaling ang Isang Paralitiko(C)
17 Isang araw, habang siya ay nagtuturo, nakaupong malapit ang mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Nagmula pa sila sa bawat nayon ng Galilea, Judea, at Jerusalem. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nakay Jesus upang makapagpagaling. 18 At dumating ang mga lalaking may dalang isang lalaking paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang maipasok ito at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Ngunit dahil sa dami ng tao ay hindi nila malaman kung paano ito mailalapit sa kanya. Kaya't umakyat sila sa bubungan, tinuklap ang bubong na tisa at sa harapan ni Jesus sa gitna ng silid ay ibinaba ang lalaking nakahiga sa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, “Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” 21 Kaya't nagsimulang magtanong ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Fariseo, “Sino ba itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Sino ba ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?” 22 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 23 Alin ba ang mas madali? Ang sabihing, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka at lumakad?’ 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan,” sinabi niya sa paralitiko, “Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka at umuwi ka na sa iyong bahay na dala ang iyong higaan.” 25 Kaagad tumayo ang lalaki sa harapan nila, binuhat ang kanyang higaan, at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Binalot ng pagkamangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Napuno sila ng takot at nagsabing, “Kamangha-manghang mga bagay ang nasaksihan natin ngayon!”
Ang Pagtawag kay Levi(D)
27 Pagkatapos ng mga ito ay umalis si Jesus at nakita niya ang isang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo ito sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin!” 28 Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Jesus. 29 Ipinaghanda siya ni Levi sa bahay nito ng isang malaking piging. Kasalo nila roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't nagreklamo sa mga alagad ni Jesus ang mga Fariseo at kanilang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Bakit kayo nakikisalo at umiinom sa piling ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 31 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan sa manggagamot kundi ang mga maysakit. 32 Hindi ako pumarito upang tawaging magsisi ang matutuwid kundi ang mga makasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(E)
33 Sinabi ng ilan kay Jesus, “Madalas mag-ayuno at manalangin ang mga alagad ni Juan. Gayundin naman ang sa mga Fariseo. Ngunit ang mga alagad mo ay kumakain at umiinom.” 34 Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Dapat bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay ng ikakasal habang kapiling nila ang lalaking ikakasal? 35 Ngunit darating din naman ang mga araw kung kailan ilalayo sa kanila ang lalaking ikakasal. Sa mga araw na iyon pa lamang sila mag-aayuno.” 36 At sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumupunit ng bagong damit at ipinantatagpi iyon sa lumang damit. Kung gagawin iyon, masisira ang bago at ang tagping mula sa bago ay hindi babagay sa luma. 37 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Papuputukin lamang ng bagong alak ang sisidlang balat. Matatapon lang ang alak at masisira ang sisidlan. 38 Sa halip, dapat ilagay ang bagong alak sa bagong sisidlang balat. 39 At walang sinuman na matapos uminom ng lumang alak ang magnanais ng bagong alak. Sa halip, sasabihin niyang, ‘Mas masarap ang lumang alak.’ ”
Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid
6 Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? 2 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? 4 Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? 5 Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? 6 Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! 7 Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? 8 Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo! 9 Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.
Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos
12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.