M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinagaling ni Jesus ang Sinasaniban ng Demonyo(A)
5 Dumating sila sa kabilang lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagbaba ni Jesus mula sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito'y sinasaniban ng maruming espiritu. 3 Siya'y naninirahan sa mga libingan at hindi mapigilan kahit ng tanikala. 4 Madalas siyang iposas at itanikala, ngunit nababali niya at nalalagot ang mga gapos. Walang may sapat na lakas na makasupil sa kanya. 5 Araw-gabi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili sa pamamagitan ng mga bato. 6 Malayo pa ay natanaw na niya si Jesus. Patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harap niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng kailangan mo sa akin! Alang-alang sa Diyos, huwag mo akong pahirapan!” 8 Sinabi niya ito sapagkat iniutos sa kanya ni Jesus, “Ikaw na maruming espiritu, lumabas ka sa taong ito!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[b] ang pangalan ko sapagkat marami kami.” 10 Nagmakaawa siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Noon nama'y may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa libis ng bundok na malapit doon. 12 Nakiusap sila kay Jesus, “Hayaan mo na lamang na makapasok kami sa mga baboy.” 13 Pinayagan naman sila ni Jesus. Lumabas ang mga masamang espiritu mula sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay kumaripas ng takbo papunta sa matarik na bangin patungong lawa at nalunod. 14 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng kawan, at ibinalita sa lungsod at sa mga karatig-nayon ang naganap. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinaniban ng maruming espiritu na nakaupo, nakadamit, at matino ang pag-iisip. At sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang naganap sa lalaking sinaniban ng demonyo at gayundin sa mga baboy. 17 Kaya't nakiusap sila kay Jesus na lisanin ang kanilang lugar. 18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang lalaking dating sinaniban ng mga demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi sa lalaki, “Umuwi ka at ibalita sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo, at kung paano siya nahabag sa iyo.” 20 Umalis nga ang lalaki[c] at ipinamalita sa buong Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus. Namangha ang lahat ng nakarinig nito.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(B)
21 Nang muling makatawid si Jesus sa ibayo, nasa tabi pa lamang siya ng lawa ay pinalibutan siya ng napakaraming tao. 22 Dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita kay Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. 23 Nagmakaawa si Jairo kay Jesus, “Kung maaari ay sumama po kayo sa akin. Nag-aagaw-buhay na ang aking munting anak na babae. Ipatong po ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya'y gumaling at mabuhay!” 24 Sumama naman si Jesus.
Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, kaya't siya'y nasisiksik. 25 Kabilang sa naroon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang kanyang dinanas dahil sa maraming manggagamot. Naubos na niya ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot. Ngunit sa halip na gumaling, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa karamihan hanggang makalapit sa kanyang likuran, at hinawakan ang damit nito. 28 Ganito ang nasa isip niya, “Tiyak na gagaling ako mahawakan ko lang ang kanyang damit.” 29 Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo, at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya. 30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong sinisiksik kayo ng maraming tao, bakit ninyo itatanong kung sino ang humawak sa inyo?” 32 Subalit tumingin pa rin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang humawak sa kanya. 33 Dahil alam ng babae ang nangyari sa kanya, nanginginig siya sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa sa harap niya, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Lumakad kang payapa. Tapos na ang iyong pagdurusa. Magaling ka na.”
35 Nagsasalita pa siya nang may mga taong dumating galing sa bahay ni Jairo. “Namatay na ang anak mong babae,” sabi nila. “Bakit mo pa inaabala ang Guro?” 36 Ngunit hindi pinansin[d] ni Jesus ang kanilang sinabi. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; basta manalig ka.” 37 Wala siyang isinama kundi sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at pagtaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, natutulog lang.” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat at pumasok sa silid na kinaroroonan ng bata, kasama ang ama at ina nito, pati ang mga alagad na kasama niya. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[e] na ang ibig sabihin ay “Neneng, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” 42 Kaagad namang bumangon ang batang babae at lumakad-lakad. Siya'y labindalawang taong gulang na. Labis na namangha ang lahat. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin ang pangyayaring ito kaninuman. Pagkatapos, iniutos niyang pakainin ang bata.
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[a] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. 6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. 8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.
12 Sa (A) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.
15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid. 20 Ang pagdating ng Kautusan ay nagbunga ng maraming pagsuway. Ngunit habang dumarami ang kasalanan ay lalong sumasagana ang kagandahang-loob ng Diyos. 21 Kaya nga, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin namang ang kagandahang-loob ng Diyos ay maghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid. Magbubunga ito ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.