M’Cheyne Bible Reading Plan
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
15 Pagsapit ng umaga'y nagsabwatan ang mga punong pari kasama ang matatanda ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan at ang buong Sanhedrin. Iginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang may sabi niyan.” 3 Naghanap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus. 4 Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo ang dami nilang paratang laban sa iyo.” 5 Ngunit wala nang anumang sinabi pa si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus(B)
6 Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. 7 Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. 8 Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. 9 Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.
Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)
16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako si Jesus sa Krus(D)
21 Naglalakad (E) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (F) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[a] nang siya'y ipako sa krus. 26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (G) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][b] 29 Hinamak (H) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.
Ang Pagkamatay ni Jesus(I)
33 Nagdilim sa buong lupain mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.[c] 34 (J) Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw nang malakas si Jesus, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Narinig ito ng ilang nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo (K) ang isang naroon at kumuha ng espongha. Binasa niya ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at inialok kay Jesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. 38 At (L) nahati sa gitna ang tabing ng templo, mula itaas hanggang ibaba. 39 Isang senturyon ang nakatayo malapit sa krus. Nang makita niya kung paano namatay si Jesus, sinabi niya “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[d] 40 Naroon (M) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus(N)
42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[e] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. 2 Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag. 3 Si (A) Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan. Sa halip, tulad ng nasusulat, “Sa akin bumagsak ang mga pag-alipusta nila sa iyo.” 4 Anumang isinulat noong una ay isinulat upang turuan tayo, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapasigla na nagmumula sa Kasulatan. 5 Ang Diyos, na pinagmumulan ng tatag at sigla ang siya nawang magkaloob sa inyo ng pagkakasundo na naaayon kay Cristo Jesus. 6 Sa gayon, kayong nabuklod sa isang diwa, ay magpuring iisang tinig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ebanghelyo sa mga Judio at sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, kung paanong tinanggap kayo ni Cristo, upang luwalhatiin ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo na si Cristo ay naging lingkod ng mga Judio[a] upang ipakita ang katapatan ng Diyos at upang pagtibayin ang kanyang mga pangako sa mga ninuno, 9 at (B) upang ang mga Hentil ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag, gaya ng nasusulat,
“Kaya't kikilalanin kita sa gitna ng mga Hentil,
at aawitan ko ng papuri ang iyong pangalan.”
10 Sinabi rin, (C)
“Magdiwang kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At sinabi rin, (D)
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil;
at purihin siya ng lahat ng mga bansa.”
12 Sinabi (E) rin ni Isaias,
“Ang ugat ni Jesse ay sisibol,
upang maghari sa mga bansa, siya'y babangon;
Ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya itutuon.”
13 Ang Diyos ng pag-asa ang nawa'y magbuhos sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, upang kayo'y mag-umapaw sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang Pagsusugo kay Pablo
14 Ako mismo ang lubos na naniniwala, mga kapatid ko, na kayo'y punung-puno ng kabutihan, ng lubos na kaalaman, at kaya ninyong magturo sa isa't isa. 15 Gayunman, sa ibang bahagi ng sulat na ito'y buong loob akong nagpapaalala sa inyo tungkol sa ibang bagay. Ginawa ko ito dahil sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus sa mga Hentil. Isang banal na gawain ang aking pangangaral ng ebanghelyo, upang ang mga Hentil ay maging kalugud-lugod na handog sa Diyos, yamang sila ay ginawang banal ng Banal na Espiritu. 17 Dahil kay Cristo Jesus, ipinagmamalaki ko ang paglilingkod ko sa Diyos. 18 Hindi ako maglalakas-loob magsalita ng anumang bagay maliban sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, upang akayin ang mga Hentil sa pagsunod sa Diyos, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[b] Kaya't lubos kong naipangaral ang ebanghelyo ni Cristo mula sa Jerusalem at palibut-libot hanggang sa Ilirico. 20 Ang hangarin ko'y maipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyong inilagay ng iba. 21 Sa halip, (F) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya ay makakikita,
at silang hindi pa nakaririnig ay makauunawa.”
Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma
22 Ito (G) ang dahilan kung bakit ako'y madalas na hindi matuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Subalit ngayong wala nang lugar na maaari kong puntahan para sa gawain sa mga lupaing ito, at dahil maraming taon ko na ring nais na madalaw kayo, 24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan ko riyan patungong Espanya. Inaasahan ko ring matutulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungo roon, matapos tayong magkasama-sama nang kaunting panahon. 25 Samantala, papunta (H) ako ngayon sa Jerusalem, na may dalang tulong sa mga kapatid[c] doon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaia na magkaloob ng tulong para sa mga dukhang kapatid na nasa Jerusalem. 27 Malugod (I) nilang ginawa iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga Judio. Sapagkat ang mga Hentil ay naging kabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat lamang nilang tulungan ang mga Judio sa mga bagay na materyal. 28 Kapag nagawa ko na ito, at natiyak kong natanggap na nila ang kaloob na ito, daraan ako sa inyo patungong Espanya. 29 At alam kong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo ako sa taimtim na pananalangin sa Diyos alang-alang sa akin. 31 Idalangin ninyong mailigtas ako sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko[d] para sa kanila. 32 Sa gayon, ayon sa kalooban ng Diyos, ay makarating nawa ako sa inyo nang may kagalakan, at magtamasa ng ginhawa na kasama ninyo. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.