M’Cheyne Bible Reading Plan
Layunin ng Aklat
1 Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, 2 ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; 3 at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, 4 upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo
5 Noong si Herodes pa ang hari ng Judea, may isang pari mula sa pangkat ni Abias na ang pangalan ay Zacarias. Ang asawa niyang si Elizabeth ay mula sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila matuwid sa paningin ng Diyos, nabubuhay na walang kapintasan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. 7 Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. 8 Isang araw, ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari noong manungkulan ang kanyang pangkat, 9 nabunot ang kanyang pangalan ayon sa kaugalian ng mga pari, upang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. 10 Sa oras ng paghahandog ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Bigla na lamang nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa kanan ng dambana ng insenso. 12 Matinding takot ang naramdaman ni Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias. Sapagkat dininig na ang iyong panalangin. Magdadalang-tao ang asawa mong si Elizabeth at bibigyan ka niya ng anak na lalaki at tatawagin mo ito sa pangalang Juan. 14 Matutuwa ka at magagalak, at marami ring matutuwa sa kanyang pagsilang. 15 Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Hinding-hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang aakayin niyang magbalik-loob sa Panginoon nilang Diyos. 17 Mauuna siya sa lalakaran ng Panginoon taglay ang espiritu at kapangyarihang gaya ng kay Elias, upang pagkasunduin ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng matutuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan para sa Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko ito matitiyak? Matanda na ako, gayundin ang aking asawa.” 19 At sinabi sa kanya ng anghel, “Ako si Gabriel, na isang lingkod ng Diyos, ay isinugo upang magsabi sa iyo at maghatid ng mga Magandang Balitang ito. 20 Subalit dahil hindi mo pinaniwalaan ang mga sinabi ko na mangyayari sa takdang panahon, magiging pipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” 21 Samantala, ang mga taong naghihintay kay Zacarias ay nagtaka kung bakit siya'y nagtatagal sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya ay hindi na siya makapagsalita. Napagtanto nilang siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Sumesenyas lamang siya sa kanila at nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi siya sa kanyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Limang buwan itong hindi nagpakita sa iba. Sinabi ni Elizabeth, 25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang pansinin upang alisin ang dahilan ng pang-aalipusta ng mga tao sa akin.”
Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus
26 Nang ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na kung tawagin ay Nazareth. 27 Isinugo(A) siya sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaking mula sa angkan ni David na ang pangalan ay Jose. Maria ang pangalan ng birhen. 28 Lumapit sa kanya ang anghel, at sinabi nito, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[a] 29 Subalit lubha niyang ikinalito ang sinabing iyon at inisip niya kung ano ang kahulugan ng pagbating iyon. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalugdan ka ng Diyos. 31 Kaya, magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. 32 Siya'y (B) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. 33 Maghahari siya magpakailanman sa sambahayan ni Jacob at ang paghahari niya ay walang katapusan.” 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito gayong wala pa akong nakatalik na lalaki?” 35 Sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Banal na Espiritu at lilimliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang isisilang ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Dapat mong malaman na ang kamag-anak mong si Elizabeth ay naglilihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Siya na dating tinatawag na baog ay anim na buwan nang buntis. 37 Sapagkat (C) sa Diyos ay walang imposible.” 38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.
Pagbati at Pasasalamat
1 Mula kay Pablo, tinawag na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na kapatid natin—
2 Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ibinukod para kay Cristo Jesus at tinawag na maging banal, kasama ng lahat na sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na Panginoon nila at Panginoon din natin: 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
4 Palagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa pakikiugnay ninyo sa kanya ay pinayaman kayo sa lahat ng paraan sa pananalita at bawat kaalaman, 6 kung paanong pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang espirituwal na kaloob habang inyong hinihintay na maipahayag ang ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Siya rin ang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang walang anumang maiparatang sa inyo sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Mapagkakatiwalaan ang Diyos, at sa pamamagitan niya ay tinawag kayo upang makiisa sa kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Loob ng Iglesya
10 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkasundo kayong lahat sa inyong sinasabi, at huwag kayong magkaroon ng pagkakampi-kampihan, kundi kayo'y mabuklod sa iisang pag-iisip at hangarin. 11 Sapagkat nabalitaan ko, mga kapatid, ang tungkol sa inyo mula sa sambahayan ni Cloe, na may pagtatalu-talo sa inyo. 12 Ganito ang ibig kong sabihin, may ilan sa inyo na nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” at “Kay Pedro[a] ako,” at ang iba naman “Kay Cristo ako.” 13 Nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? O binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; 15 upang walang sinumang makapagsabi na kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Bukod sa kanila ay hindi ko na alam kung may binautismuhan pa akong iba. 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng karunungan ng pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat,
“Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin,
at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.
26 Mga kapatid, tingnan ninyo ang inyong kalagayan nang kayo ay tinawag: hindi naman marami sa inyo ang marurunong ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang galing sa mararangal na angkan. 27 Sa halip, pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at minamaliit sa sanlibutan, kahit ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahalaga, 29 upang walang taong makapagmalaki sa harapan ng Diyos. 30 Ngunit dahil sa kanya, kayo ay iniugnay kay Cristo Jesus, na para sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at naging ating katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya tulad ng nasusulat, “Hayaang ang nagmamalaki'y ang ipagmagmalaki ay ang Panginoon.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.