M’Cheyne Bible Reading Plan
Dinalaw ni Maria si Elizabeth
39 Hindi nagtagal at naghanda si Maria at nagmadaling pumunta sa isang maburol na lupain sa bayan ng Judea. 40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan at si Elizabeth ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sumigaw siya nang malakas, at sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Ano ang nangyari at ako ay dinalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay sumipa sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Umawit ng Papuri si Maria
46 Sinabi (A) ni Maria,
47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (B) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (C) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (D) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”
56 Nanatiling kasama ni Elizabeth si Maria nang may tatlong buwan bago ito umuwi sa kanyang tahanan.
Isinilang si Juan na Tagapagbautismo
57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (E) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[a] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.
Ang Propesiya ni Zacarias
67 Napuspos ng Banal na Espiritu si Zacarias na ama ng bata, at nagpahayag ng propesiyang ito,
68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin
mula sa sambahayan ni David na kanyang alipin,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noon pa man,
71 na tayo'y ililigtas niya mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin
72 upang ang habag sa ating mga ninuno ay ipakita
at ang kanyang banal na tipan ay maalala,
73 ang pangakong ibinigay niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong mga iniligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At (F) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang ipaalam ang kaligtasan sa kanyang bayan,
sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
sisilay[b] sa atin ang bukang-liwayway,
79 upang (G) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”
80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na siya'y magpakita sa Israel.
Si Cristo na Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[a] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. 2 Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. 3 Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. 4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[b] ang pag-iisip ni Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.