Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Exodo 11-12:21' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Lucas 14

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking may Sakit

14 Isang araw ng Sabbath, pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain. Minamatyagan siyang mabuti ng mga Fariseo. Bigla na lamang pumunta sa kanyang harapan ang isang lalaking minamanas. Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa Kautusan at ang mga Fariseo, “Ipinahihintulot ba na magpagaling kung araw ng Sabbath o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya hinawakan niya ang maysakit at ito'y pinagaling at pinauwi. At sinabi niya sa kanila, “Kung sinuman sa inyo ang may anak o toro na mahulog sa balon, hindi ba agad ninyo itong iaahon kahit na araw ng Sabbath?” Hindi nila masagot ang mga ito.

Mabuting Pakikitungo at Pagpapakababa

Nang mapansin niyang pinipili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, sinabi niya sa kanila ang isang talinghaga: “Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa isang kasalan, huwag kang maupo sa upuang pandangal. Baka mayroon siyang inanyayahang mas kilala kaysa iyo. At sa paglapit ng nag-anyaya sa inyong dalawa ay sasabihin niya, ‘Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan.’ Mapapahiya ka lamang at uupo sa pinakaabang upuan. 10 Sa halip, kung naanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakaabang upuan. Pagdating ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, ‘Kaibigan, lumipat ka sa mas marangal na upuan.’ Sa gayon ay mabibigyan ka ng dangal sa harap ng mga kasalo mo. 11 Sapagkat ibababa ang sinumang nagtataas ng sarili ngunit ang nagpapakababa ay itataas.” 12 Sinabi rin niya sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghanda ka ng tanghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang mga kaibigan mo, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o ang mayayaman mong kapitbahay; baka aanyayahan ka rin nila at sa gayo'y masusuklian ang iyong paanyaya. 13 Ngunit kung maghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo, at mga bulag. 14 Pagpapalain ka sapagkat hindi nila mababayaran ang iyong ginawa. Mababayaran ka na lamang sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.”

Talinghaga ng Malaking Hapunan(A)

15 Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya kaya't sinabi nito sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa piging sa kaharian ng Diyos.” 16 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Isang tao ang nagbigay ng isang piging at nag-anyaya ng marami. 17 Nang oras na ng hapunan, isinugo niya ang kanyang lingkod upang sabihin sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo! Sapagkat ang lahat ay handa na.’ 18 Ngunit lahat sila ay nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan kong puntahan iyon. Humihingi ako ng paumanhin.’ 19 Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares na baka at aalis ako upang subukin ang mga ito. Humihingi ako ng paumanhin.’ 20 Sinabi ng isa pa, ‘Bagong kasal ako kaya't hindi ako makadadalo.’ 21 Pagbalik ng lingkod, iniulat niya sa kanyang panginoon ang mga iyon. Sa galit ng panginoon ng sambahayan ay sinabi niya sa kanyang lingkod, ‘Pumunta ka agad sa mga lansangan at eskinita ng bayan at dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga bulag at mga lumpo.’ 22 Sinabi ng lingkod pagbalik nito, ‘Panginoon, natupad na ang ipinag-utos ninyo, pero may lugar pa rin.’ 23 Kaya sinabi ng panginoon sa lingkod, ‘Lumabas ka sa mga daan at bakuran. Pilitin mong pumarito ang mga tao upang mapuno ang aking bahay.’ 24 Sinasabi ko sa inyo, hindi makatitikim ng aking piging kahit isa man sa mga inanyayahan.”

Ang Kabayaran ng Pagiging Isang Alagad(B)

25 Sumama sa paglalakbay ni Jesus ang napakaraming tao. Humarap siya sa kanila at sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang lumalapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, o maging sa kanyang sariling buhay. 27 Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin. 28 Sapagkat sino ba sa inyo na nagnanais magtayo ng tore ang hindi muna nauupo at inaalam ang magugugol upang matiyak kung mayroon siyang sapat na halaga hanggang matapos ito? 29 Baka kung nailagay na ang pundasyon at hindi ito makayang tapusin, kukutyain siya ng lahat ng makakakita sa kanya. 30 Sasabihin nila, ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman niya kayang tapusin iyon.’ 31 O sinong hari ang makikipagdigma sa ibang hari ang hindi muna nauupo at sumasangguni sa kanyang mga tagapayo kung kayang manalo ng kanyang sampung libong kawal laban sa kalaban niyang sumusugod na may dalawampung libong kawal? 32 Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kaaway ay magpapadala na siya ng sugo upang makipagkasundo para sa kapayapaan. 33 Kaya nga't sino man sa inyo na hindi magtatakwil sa lahat ng kanyang pag-aari ay hindi maaaring maging alagad ko.”

Asin na Walang Lasa(C)

34 “Mainam ang asin. Subalit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapapaalat? 35 Wala na itong silbi kahit sa lupa o sa tambakan ng dumi. Itatapon na lang ito sa labas. Makinig ang may pandinig.”

Error: 'Job 29 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
1 Corinto 15

Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo

15 Ngayon ay ipinapaalala ko sa inyo, mga kapatid, ang tungkol sa ebanghelyo[a] na ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap, na siya naman ninyong kinatatayuan. Sa pamamagitan nito ay naliligtas kayo, kung panghahawakan ninyo itong mabuti. Kung hindi, kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan. Sapagkat (A) ibinigay ko sa inyo bilang pangunahin sa lahat ang akin din namang tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa kasulatan, at (B) siya'y inilibing; at muling binuhay pagsapit ng ikatlong araw ayon sa mga kasulatan, at (C) siya'y nagpakita kay Pedro,[b] at pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay nabubuhay pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namayapa na. Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol, at (D) sa kahuli-hulihan na parang ipinanganak nang wala sa panahon, ay nagpakita rin siya sa akin. Sapagkat (E) ako ang pinakahamak sa mga apostol, ni hindi ako karapat-dapat na tawaging apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit kung ano ako ngayon, ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang kanyang biyaya para sa akin ay hindi nawawalan ng saysay. Sa halip, ako'y nagsikap nang higit kaysa kanilang lahat, gayunma'y hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya't maging ako o sila, ganito ang ipinangangaral namin, at ito ang sinasampalatayanan ninyo.

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 At kung ipinapangaral na si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, paanong nasasabi ng ilan sa inyo na hindi muling mabubuhay ang mga patay? 13 Kung hindi muling mabubuhay ang mga patay, kahit si Cristo ay hindi sana muling binuhay. 14 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring kabuluhan ang inyong pananampalataya. 15 Bukod dito, matatagpuan pa kaming mga sinungaling na saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatotoo tungkol sa Diyos, na muli niyang binuhay si Cristo, na hindi naman niya pala muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. 16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, kahit si Cristo ay hindi muling binuhay. 17 At kung si Cristo ay hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya, nananatili pa rin kayo sa inyong mga kasalanan. 18 Kung gayon, ang mga namayapa na kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng mga tao.

20 Ngunit sa katunayan, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay. Siya ang unang bunga ng mga namatay. 21 Sapagkat yamang dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang muling pagkabuhay ng mga patay. 22 Sapagkat kung paanong dahil kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin dahil kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat isa'y ayon sa kanyang takdang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kabilang kay Cristo sa panahon ng kanyang pagdating. 24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibibigay na ang kaharian sa Diyos Ama, matapos niyang lipulin ang lahat ng paghahari, pamamahala at kapangyarihan. 25 Sapagkat (F) kailangang maghari siya hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. 27 Sapagkat (G) “ipinasakop niya ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.” Sa pagsasabi na ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop sa kanya, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos, na siyang nagpasakop ng lahat ng mga bagay kay Cristo. 28 At kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa Anak, ang Anak ay pasasakop din sa Ama na naglagay ng lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang kapangyarihan, upang ang Diyos ay mangibabaw sa lahat.

29 At kung walang muling pagkabuhay, ano'ng gagawin ng mga binabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, bakit may mga taong binabautismuhan para sa kanila? 30 At bakit namin inilalagay sa panganib ang aming buhay sa bawat sandali? 31 Araw-araw akong humaharap sa kamatayan! Ipinapahayag ko ito, mga kapatid, dahil sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo, na tinataglay ko kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 32 Kung (H) sa makataong dahilan lamang kaya ako lumaban sa maiilap na hayop sa Efeso, ano ang mapapakinabang ko? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay.” 33 Huwag kayong padaya: “Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang asal.” 34 Magpakatino kayo gaya ng nararapat at huwag na kayong magkasala, sapagkat may mga taong hindi pa nakakakilala sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo.

Ang Katawan sa Muling Pagkabuhay

35 Ngunit may magtatanong, “Paano muling bubuhayin ang mga patay? Anong uri ng katawan ang tataglayin nila?” 36 Ikaw na hangal! Dapat munang mamatay ang binhing iyong itinatanim bago ito mabuhay. 37 Kapag ikaw ay nagtatanim, hindi malaking katawan na ng halaman ang iyong itinatanim, kundi binhi lamang, maaaring ng trigo o ng ibang uri ng mga butil. 38 Subalit binibigyan ito ng Diyos ng katawang ayon sa kanyang kagustuhan, at ang bawat uri ng binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. May isang uri ng laman ang mga tao, at ibang laman naman ang sa mga hayop, ibang laman sa mga ibon, at iba rin sa mga isda. 40 May mga katawang panlangit, at may mga katawang panlupa, ngunit may sariling kaluwalhatian ang panlangit, at iba naman ang panlupa. 41 May isang uri ng kaningningan ang araw, at iba ang kaningningan ng buwan, at iba rin ang kaningningan ng mga bituin; at ang mga bituin ay magkakaiba rin ng kaningningan.

42 Gayundin naman sa muling pagkabuhay ng mga patay. Itinatanim na may pagkabulok, muling binubuhay nang walang pagkabulok. 43 Itinatanim ito na walang karangalan, binubuhay ito na may kaluwalhatian; itinatanim na may kahinaan, binubuhay na may kapangyarihan. 44 Itinatanim ito bilang katawang pisikal, binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding espirituwal. 45 Gaya ng (I) nasusulat, “Ang unang taong si Adan ay naging buháy na nilalang.”[c] Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. 46 Ngunit hindi una ang espirituwal, kundi ang pisikal, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa alabok ng lupa, ang pangalawa naman ay mula sa langit. 48 Silang mga mula sa alabok ay katulad ni Adan na mula sa alabok; at silang panlangit ay katulad niya na nagmula sa langit. 49 At kung paanong tinaglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong mula sa langit.

50 Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkabulok ay magmamana ng walang pagkabulok. 51 Pakinggan ninyo ang (J) sasabihin kong isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mahihimlay, ngunit tayong lahat ay babaguhin— 52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at ang mga patay ay bubuhaying muli na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. 53 Sapagkat ang may pagkabulok ay kailangang magbihis ng walang pagkabulok, at itong may kamatayan ay magbihis ng kawalang kamatayan. 54 Ngunit (K) kapag itong may pagkabulok ay mabihisan ng walang pagkabulok at itong may kamatayan ay mabihisan ng kawalang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,

“Ang kamatayan ay nilamon na ng tagumpay.”
55 “Nasaan na, (L) kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan na, kamatayan, ang iyong kamandag?”

56 Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. 57 Subalit salamat sa Diyos! Pinagtatagumpay niya tayo sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, magpakatatag kayo; huwag kayong patitinag, kayo'y laging sumagana sa gawain ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi mawawalan ng saysay ang inyong pagpapagal para sa Panginoon.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.