M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Minanang Turo(A)
7 Nang sama-samang lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ilang tagapagturo ng Kautusan na nanggaling sa Jerusalem, 2 nakita nila ang ilan sa kanyang alagad na kumakaing marumi ang kamay, samakatuwid, ay hindi nahugasan ayon sa kaugalian. 3 Ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas na mabuti ng mga kamay. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa turong minana nila sa kanilang mga ninuno. 4 Kapag nanggaling sila sa mga pamilihan, hindi sila kakain nang hindi muna naglilinis. Marami pa silang sinusunod na minanang turo gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.[a] 5 Kaya't tinanong si Jesus ng mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turong ipinamana ng ating mga ninuno at kumakain sila nang marurumi ang kamay?” 6 Sumagot (B) si Jesus sa kanila, “Akma nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo. Mga mapagkunwari! Ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’
8 Tinatalikuran ninyo ang utos ng Diyos at niyayakap ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, masunod lamang ang mga turong minana ninyo. 10 Isang (C) halimbawa ang sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay!’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na sinuman ang magsabi sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban, ibig sabihi'y handog ko sa Diyos,’ 12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya hinahayaang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Sa gayong paraa'y pinawawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga minanang kaugalian. Marami pa kayong ginagawang tulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muling pinalapit ni Jesus ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang isinusubo ng tao ang nagpaparumi sa kanya; ang lumalabas sa kanya ang nagpaparumi sa tao.” 16 [Makinig ang sinumang may pandinig.][b] 17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at pagkapasok niya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba kayo'y hindi nakauunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya? 19 Sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi!” Sa sinabing ito ay ipinahayag niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, 22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga kabuktutan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananampalataya ng Isang Babaing Taga-Sirofenicia(E)
24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon, at ayaw sana niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi naman ito maitago. 25 Nabalitaan ng isang babaing may anak na sinasaniban ng maruming espiritu na naroon si Jesus. Kaya't nagpunta agad siya kay Jesus at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isinilang sa Sirofenicia. Nagmakaawa siya kay Jesus[c] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. 27 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kailangang ang mga anak muna ang mapakain. Hindi dapat kunin ang tinapay ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28 Ngunit tumugon ang babae, “Opo, Panginoon, ngunit kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na tinapay ng mga anak.” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan niyang nakahiga ang anak sa higaan. Iniwan na ito ng demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Sa pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Doon ay dinala sa kanya ng ilang tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Nakiusap sila sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa lalaki. 33 Matapos mailayo ang lalaki mula sa karamihan, ipinasok ni Jesus ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng bingi. Pagkatapos nito'y dumura siya at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ibig sabihi'y “Mabuksan!” 35 Agad nakarinig ang lalaki, at parang may taling nakalag sa kanyang dila, at nakapagsalita nang malinaw. 36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nilang ipinamamalita ang nangyari. 37 Manghang-mangha ang mga tao. Sinabi nila, “Maganda ang lahat ng kanyang ginagawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.”
Paglalarawan mula sa Pag-aasawa
7 Hindi ba ninyo alam, mga kapatid—sinasabi ko ito sa inyong nakauunawa ng Kautusan—na ang Kautusan ay may kapangyarihan lamang sa isang tao habang siya ay nabubuhay? 2 Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang asawang babae ay nakatali sa kanyang asawang lalaki habang ito ay nabubuhay. Kung mamatay na ang lalaki, napalaya na ang babae sa Kautusang nagtatali sa kanya sa lalaki. 3 Kaya nga, kung makikisama siya sa ibang lalaki habang buháy pa ang kanyang asawa, ituturing siyang isang mangangalunya. Ngunit kung mamatay ang kanyang asawa, malaya na siya sa Kautusan, at hindi mangangalunya kahit mag-asawa ng ibang lalaki. 4 Gayundin naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, upang kayo'y maging pag-aari ng iba, sa kanya na muling binuhay, mula sa kamatayan upang tayo'y magbunga para sa Diyos. 5 Noong tayo'y nabubuhay pa sa laman, ang mga makasalanang pagnanasa, sa pamamagitan ng Kautusan, ay nag-uudyok sa ating mga bahagi upang magbunga tungo sa kamatayan. 6 Ngunit ngayon ay pinalaya na tayo mula sa Kautusan, matapos tayong mamatay sa dating umaalipin sa atin, upang maging alipin tayo sa bagong buhay sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi sa pamamagitan ng lumang nakasulat na tuntunin.
Ang Pagkaalipin sa Kasalanan
7 Ano ngayon ang (A) ibig nating sabihin? Kasalanan ba ang Kautusan? Huwag nawang mangyari! Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Hindi ko sana nakilala ang kasakiman kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag kang maging sakim.” 8 Sinamantala ng kasalanan ang pagkakataon upang sa pamamagitan ng Kautusan ay gumawa sa aking kalooban ng lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat kung walang Kautusan, patay ang kasalanan. 9 Noong una, nabubuhay akong hiwalay sa Kautusan. Ngunit nang dumating ang utos, muling nabuhay ang kasalanan, 10 at ako'y namatay. Ang Kautusan na dapat sanang magbigay sa akin ng buhay ang nagdulot sa akin ng kamatayan. 11 Sapagkat (B) sinamantala ng kasalanan ang pagkakataong nakita nito sa Kautusan upang ako ay dayain, at sa pamamagitan ng Kautusan ay pinatay ako. 12 Kaya ang Kautusan ay banal at ang tuntunin ay banal, matuwid, at mabuti.
13 Nangangahulugan bang ang mabuting bagay ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Huwag nawang mangyari! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting Kautusan. Nangyari ito upang ipakita ang kasalanan bilang kasalanan, at upang sa pamamagitan ng Kautusan ay mapatunayan na ang kasalanan ay napakasama.
14 Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, at aliping ipinagbili sa kasalanan. 15 Hindi (C) ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat kung ano ang nais kong gawin ay hindi ko ginagawa, at kung ano ang kinamumuhian kong gawin ay siya namang aking ginagawa. 16 At kung ginagawa ko ang hindi ko nais, sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. 17 Kung gayon, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 18 Alam kong walang anumang mabuting naninirahan sa aking likas na pagkatao. Sapagkat ang pagnanais na gumawa ng mabuti ay nasa akin, ngunit hindi ko ito maisagawa. 19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuti na nais kong gawin, kundi ang masama na ayaw kong gawin ang aking ginagawa. 20 At kung ang ayaw kong gawin ang aking ginagawa, hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. 21 Kaya nga natuklasan ko ang isang tuntunin: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit sa akin. 22 Sa kaloob-looban ng aking pagkatao ay nasisiyahan ako sa Kautusan ng Diyos. 23 Subalit may nakikita akong ibang kautusan sa mga bahagi ng aking pagkatao na nakikipaglaban sa kautusan ng aking pag-iisip, at binibihag ako sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking pagkatao. 24 Napakalungkot kong tao! Sino ang sasagip sa akin mula sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan? 25 Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Kaya nga, sa aking isip ako ay alipin sa Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking laman ako'y alipin sa kautusan ng kasalanan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.