M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Nawalang Tupa(A)
15 Lumalapit noon kay Jesus ang lahat ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan upang makinig sa kanya. 2 Nagbulungan ang mga Fariseo at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at nakikisalo siya sa kanila.” 3 Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: 4 “Sino sa inyo na may isandaang tupa at mawala ang isa, ang hindi mag-iiwan sa siyamnapu't siyam sa ilang at maghahanap sa nawala hanggang ito'y matagpuan? 5 Kapag natagpuan na niya ito ay nagagalak niya itong papasanin, 6 at pagdating sa bahay ay aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawalang tupa.’ 7 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng higit pang kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu't siyam na matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.”
Ang Nawalang Pilak
8 “O sino kayang babaing may sampung pirasong salaping pilak, kung mawawalan ng isang piraso ay hindi magsisindi ng ilawan at magwawalis ng bahay at matiyagang maghahanap hanggang sa matagpuan iyon? 9 At kapag natagpuan na niya ito ay tatawagin ang mga kaibigan at kapitbahay at magsasabing, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking salaping pilak na nawawala.’ 10 Sinasabi ko sa inyo, sa gayunding paraan, magkakaroon ng kagalakan ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Alibughang Anak
11 Sinabi pa niya, “Isang tao ang may dalawang anak na lalaki. 12 Sinabi ng nakababata sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo na sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati ng ama sa kanila ang kanyang ari-arian. 13 Pagdaan ng ilang araw, tinipon ng nakababata ang lahat ng kanya at umalis siya patungo sa malayong lupain. Doon ay nilustay niya ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. 14 Nang maubos na niya ang lahat, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon kaya nagsimula na siyang mangailangan. 15 Namasukan siya sa isang mamamayan sa lupaing iyon at ipinadala siya nito sa bukid upang magpakain ng mga baboy. 16 Dahil sa gutom ay gusto na niyang kainin kahit ang mga pinagbalatan ng gulay na kinakain ng mga baboy ngunit wala kahit isa man na nagbigay sa kanya ng anuman. 17 Subalit nang matauhan ay sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Marami sa mga upahang lingkod ng aking ama ang sobra-sobra sa busog sa pagkain, samantalang ako rito'y namamatay sa gutom. 18 Babalik ako sa aking ama at sasabihin kong, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. 19 Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak. Ituring mo ako bilang isa sa iyong mga upahang lingkod.” ’ 20 Kaya siya ay tumindig at umuwi sa kanyang ama. Ngunit malayo pa lang siya ay natanaw na siya ng kanyang ama at labis itong naawa sa kanya. Tumakbo ito sa kanya, niyakap siya at hinalikan. 21 Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at laban sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat tawaging iyong anak.’ 22 Ngunit sinabi ng ama sa kanyang mga lingkod, ‘Magmadali kayo! Dalhin ninyo rito ang pinakamagandang balabal at isuot sa kanya. Suotan ninyo ng singsing ang kanyang daliri at ng mga sandalyas ang kanyang mga paa. 23 Kunin ninyo ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay kakain at magdiriwang! 24 Sapagkat patay ang anak kong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ At nagsimula nga silang magdiwang.
25 “Nasa bukid noon ang nakatatandang anak at sa kanyang pag-uwi, nang malapit na siya sa bahay ay nakarinig siya ng tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga lingkod at tinanong kung ano ang nangyayari. 27 At sinabi nito sa kanya, ‘Narito na ang iyong kapatid! Ipinagkatay siya ng iyong ama ng pinatabang guya. Sapagkat nabawi siya ng iyong ama na ligtas at malusog.’ 28 Nagalit ang nakatatandang anak at ayaw pumasok. Kaya't lumabas ang kanyang ama at nakiusap sa kanya. 29 Ngunit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Nakikita po ninyo na maraming taon na akong naglilingkod sa inyo at hindi ko sinuway kailanman ang inyong utos. Ngunit hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang kambing upang makipagsaya ako sa aking mga kaibigan. 30 Subalit nang bumalik ang anak mong ito na naglustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae, ipinagkatay mo pa siya ng pinatabang guya.’ 31 Kaya't sinabi ng ama sa kanya, ‘Anak, lagi kitang kapiling at sa iyo ang lahat ng sa akin. 32 Ngunit nararapat lamang tayong magsaya at magalak sapagkat patay ang kapatid mong ito ngunit muling nabuhay. Siya ay nawala ngunit natagpuan.’ ”
Ang Tulong para sa mga Kapatid
16 At (A) tungkol naman sa ambag para sa mga banal: gawin din ninyo kung ano ang itinagubilin ko sa mga iglesya sa Galacia. 2 Tuwing unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ng halaga ayon sa kanyang kinita, upang huwag nang magkaroon ng mga ambagan pagpunta ko. 3 At pagdating ko riyan, ang mga taong inyong mapili ay aking isusugo na may dalang mga sulat upang maghatid ng inyong kaloob sa Jerusalem. 4 Kung kinakailangan kong pumunta ay sasamahan nila ako.
Plano ni Pablo sa Paglalakbay
5 Dadalawin (B) ko kayo pagdaan ko sa Macedonia, sapagkat daraan ako roon. 6 At maaaring tumigil muna ako riyan sa inyo o kaya'y magpalipas ng taglamig, upang ako'y maihatid ninyo, saan man ako pumunta. 7 Ayaw kong maging sandali lang ang ating pagkikita; kung loloobin ng Panginoon, ibig kong magtagal-tagal diyan na kasama ninyo. 8 Ngunit (C) titigil ako sa Efeso hanggang araw ng Pentecostes, 9 sapagkat (D) nabuksan para sa akin ang isang maluwang na pintuan tungo sa makabuluhang gawain, bagama't maraming sumasalungat.
10 Pagdating (E) ni Timoteo, sikapin ninyo na wala siyang anumang dapat ipangamba sa piling ninyo, sapagkat tulad ko ay ginagampanan niya ang gawain ng Panginoon. 11 Kaya't huwag siyang hamakin ng sinuman. Mapayapa ninyo siyang ihatid sa kanyang paglalakbay upang makabalik siya sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid.
12 Tungkol naman kay kapatid na Apolos, nakiusap akong mabuti sa kanya na puntahan kayo kasama ng ibang mga kapatid. Wala pa siyang balak na pumunta riyan ngayon. Ngunit darating siya kapag nagkaroon na siya ng pagkakataon.
Pagwawakas at Pagbati
13 Magbantay kayo, manindigan kayo sa pananampalataya, magpakatapang kayo, magpakatatag kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat nang may pag-ibig.
15 Alam ninyo (F) na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng pangangaral sa Acaia. Inilaan na nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Kaya't nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpailalim kayo sa pamumuno ng gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nagpapagal at nakikiisa sa gawain. 17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang inyong kakulangan. 18 Pinaginhawa rin nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Pahalagahan ninyo ang pagkilala sa katulad nila.
19 Binabati (G) kayo ng mga iglesya sa Asia. Malugod kayong binabati sa Panginoon nina Aquila at Priscila[a] gayundin ng iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo nang may banal na halik.
21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking sariling kamay. 22 Sumpain ang sinumang hindi nagmamahal sa Panginoon. Dumating ka nawa, Panginoon! 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.