M’Cheyne Bible Reading Plan
Hindi Kinilala si Jesus sa Nazareth(A)
6 Umalis doon si Jesus kasama ang mga alagad at pumunta sa sariling bayan. 2 Nang sumapit ang Sabbath, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha ang marami sa mga nakinig sa kanya. “Saan niya natutuhan ang lahat ng ito?” tanong nila. “Ano'ng karunungan ito na ibinigay sa kanya? Paano niya nagagawa ang mga kababalaghang ito? 3 Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naririto rin ang kanyang mga kapatid na babae?” At ayaw nilang maniwala dahil sa kanya. 4 Kaya't (B) sinabi ni Jesus, “Ang propeta'y hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” 5 Hindi siya nakagawa ng kahit anong himala roon liban sa pagpapatong ng kanyang mga kamay sa ilang maysakit upang sila'y mapagaling. 6 Nagtaka siya sa kanilang hindi pagsampalataya.
Ang Pagsusugo sa Labindalawa(C)
7 Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga karatig-nayon. Tinawag niya ang labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa, at pinagkalooban ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu. 8 Ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay gaya ng tinapay, balutan, at salapi sa kanilang mga pamigkis maliban sa isang tungkod. 9 Pinapagsuot sila ng sandalyas ngunit hindi pinapagdala ng damit na bihisan. 10 Sinabi niya sa kanila, “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang umalis kayo sa lugar na iyon. 11 Kung (D) (E) tanggihan kayo at ayaw pakinggan sa alinmang bayan, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa lugar na iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 12 Humayo nga ang labindalawa at ipinangaral sa mga tao na dapat silang magsisi. 13 Nagpalayas (F) sila ng maraming demonyo, nagpahid ng langis sa maraming maysakit at nagpagaling sa mga ito.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)
14 Nabalitaan (H) ni Haring Herodes ang mga bagay na ito sapagkat tanyag na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Iyan si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay kaya siya nakakagawa ng mga himala.” 15 Sabi naman ng iba, “Si Elias iyan.” May iba pang nagsasabi, “Siya'y propeta, tulad ng mga propeta noong una.” 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na aking pinapugutan ng ulo!” 17 Si (I) Herodes mismo ang nagpadakip at nagpakulong kay Juan. Ginawa niya ito dahil sa kinakasama niyang si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Laging sinasabi noon ni Juan kay Herodes, “Hindi tamang angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Kaya't nagtanim ng galit kay Juan si Herodias at hinangad itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Pinagsikapan pa ni Herodes na huwag itong mapahamak dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Nasisiyahan siya sa pakikinig kay Juan bagama't labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. 21 Ngunit dumating ang pagkakataon nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Nagdaos ng piging si Herodes para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, bagay na nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo anuman ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Nanumpa pa siya sa dalaga, “Ibibigay ko sa iyo anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang dalaga at itinanong sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” Sumagot si Herodias, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Nagmamadaling bumalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 26 Labis na nanlumo ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, hindi niya magawang tanggihan ang dalaga. 27 Noon di'y inutusan ng hari ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[a] Sumunod ang kawal at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Bumalik itong dala ang ulo ni Juan sa isang pinggan. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(J)
30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (K) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[b] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)
45 Agad pinasakay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna sa ibayo, sa Bethsaida, habang pinapauwi niya ang maraming tao. 46 Pagkatapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat habang si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita ni Jesus na nahihirapan ang kanyang mga alagad sa pagsagwan dahil pasalungat sila sa hangin. Nang malapit na ang madaling araw,[c] sumunod sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malapit na niyang malampasan ang mga ito, 49 nakita nilang lumalakad siya sa ibabaw ng lawa. Inakala nilang siya'y isang multo kaya't sila'y nagsigawan. 50 Takot na takot silang lahat, kaya't agad silang sinabihan ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” 51 Sumakay siya sa bangka at agad huminto ang hangin. Labis silang namangha, 52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang pangyayari tungkol sa tinapay. Sa halip, tumigas ang kanilang mga puso.
Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)
53 Nang makatawid na sila, dumating sila sa Genesaret at doon idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila mula sa bangka, nakilala agad si Jesus ng mga tao. 55 Kaya't nilibot ng mga tao ang buong lugar na iyon at sinundo ang mga maysakit. Dinala nila ang mga nakaratay sa higaan saanman nila mabalitaan na naroon si Jesus. 56 Saanmang nayon, bukid o bayan makarating si Jesus, dinadala ng mga tao ang kanilang maysakit sa mga pamilihan, at pinapakiusapan siya na ipahawak man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak nito ay gumaling.
Patay sa Kasalanan Ngunit Buháy kay Cristo
6 Ano ngayon ang sasabihin natin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumagana? 2 Huwag nawang mangyari! Paanong mangyayari na tayong namatay na sa kasalanan ay mabubuhay pa sa kasalanan? 3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? 4 Kung gayon, (A) sa pamamagitan ng bautismo ay namatay na tayo at inilibing na kasama niya upang kung paanong si Cristo ay muling binuhay sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo naman ay lumakad sa panibagong buhay. 5 Sapagkat kung nakiisa tayo kay Cristo sa kamatayan tulad ng sa kanya, tiyak na tayo ay makakasama niya sa muling pagkabuhay na tulad ng sa kanya. 6 Dapat nating malaman ito: na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya sa krus, upang ang makasalanang pagkatao ay mamatay, at nang hindi na tayo pagharian pa ng kasalanan. 7 Sapagkat ang sinumang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. 8 At kung tayo'y namatay kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay rin tayong kasama niya. 9 Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na mamamatay; hindi na siya paghaharian pa ng kamatayan. 10 Nang siya'y namatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ito'y para sa lahat ng panahon. Ngunit nabubuhay siya ngayon at ang buhay niya ay para sa Diyos. 11 Gayundin naman kayo, ituring ninyo ang inyong mga sarili na patay na sa kasalanan, subalit nabubuhay dahil sa inyong kaugnayan kay Cristo Jesus.
12 Kaya't huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang huwag na ninyong sundin ang mga hilig nito. 13 Huwag na rin ninyong ialay sa kasalanan ang anumang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, ialay ninyo ang inyong sarili sa Diyos, bilang namatay na at muling binuhay, at ialay sa kanya ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid. 14 Hindi na kayo dapat pang pagharian ng kasalanan, yamang wala na kayo sa ilalim ng Kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos.
Mga Alipin ng Katuwiran
15 Ano ngayon? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala dahil hindi na tayo sakop ng Kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na kaninuman ninyo ialay ang inyong sarili bilang alipin, kayo'y alipin ng inyong sinusunod, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o pagsunod na hahantong sa pagiging matuwid? 17 Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating alipin ng kasalanan ay buong-pusong sumunod sa aral na doo'y ipinagkatiwala kayo. 18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayon ay mga alipin na kayo sa pagiging matuwid. 19 Nagsasalita ako ayon sa pananaw ng tao dahil sa kahinaan ng inyong pagkatao. Kung paanong inialay ninyo bilang alipin ang mga bahagi ng inyong pagkatao sa karumihan at sa kasamaang nagdudulot pa ng lalong kasamaan, ngayon naman ay ialay ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng pagiging matuwid na humahantong sa kabanalan. 20 Sapagkat nang alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo sakop ng pagiging matuwid. 21 Ano naman ang naging bunga ng mga bagay na iyon na nasa inyo noon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang kinahinatnan ng mga iyon! 22 Subalit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang bunga nito'y kabanalan, at ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. 23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang walang-bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.