M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kapanganakan ni Jesus(A)
2 Nang mga araw na iyon, lumabas ang isang utos mula kay Emperador Augusto na magpatala ang lahat sa buong mundo. 2 Naganap ang unang pagpapatalang ito nang si Quirinio ang gobernador ng Syria. 3 Umuwi nga ang bawat isa sa kani-kanilang bayan upang magpatala. 4 Pumunta rin si Jose mula sa bayan ng Nazareth ng Galilea patungong Judea, sa lungsod ni David na kung tawagin ay Bethlehem dahil siya ay mula sa lipi at sambahayan ni David. 5 Kasama niyang magpapatala si Maria, na ipinagkasundo sa kanya; nagdadalang-tao na si Maria noon. 6 Habang sila'y naroroon, dumating ang oras ng panganganak ni Maria. 7 At isinilang niya ang kanyang panganay na lalaki, binalot niya ito ng lampin at inihiga sa sabsaban, sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.
Ang mga Pastol at ang mga Anghel
8 Kinagabihan, sa lupain ding iyon ay may mga pastol sa parang na nagbabantay ng kanilang mga kawan. 9 Bigla na lang lumitaw sa harapan nila ang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Diyos ay nagliwanag sa kanilang paligid; sila ay lubhang natakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot, sapagkat dala ko sa inyo ang mabuting balitang ikagagalak ng lahat ng tao. 11 Sa araw na ito, isinilang sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 At ito ang palatandaan para sa inyo: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na binalot sa lampin at nakahiga sa sabsaban.” 13 Walang anu-ano'y sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:
14 “Luwalhati sa Diyos sa kaitaas-taasan,
at sa daigdig, kapayapaan sa mga taong kanyang kinalulugdan.”[a]
15 Nang iwan sila ng mga anghel, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” 16 At nagmamadali silang nagpunta at natagpuan nila sina Maria, si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Nang makita ito, ipinaalam nila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito. 18 Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Pinahalagahan ni Maria ang lahat ng mga ito sa kanyang kalooban at pinagbulay-bulayan. 20 Nagpupuring umalis ang mga pastol at niluluwalhati ang Diyos sapagkat lahat ng kanilang nakita at narinig ay ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. 21 Makalipas ang walong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus, ayon sa pangalang ibinigay sa kanya ng anghel bago pa siya ipinagdalang-tao.
Ang Paghahandog kay Jesus
22 Nang sumapit na ang araw ng kanilang paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, dinala ng kanyang mga magulang ang sanggol sa Jerusalem upang ihandog sa Panginoon. 23 Ito ay ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon, “Ang bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” 24 Nag-alay din sila nang ayon sa sinabi sa Kautusan ng Panginoon, “dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati.” 25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at masipag sa kabanalan at naghihintay sa pagpapalaya sa Israel. Sumasakanya ang Banal na Espiritu. 26 Ipinahayag ng Banal na Espiritu sa kanya na makikita muna niya ang Cristo ng Panginoon bago siya mamatay. 27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok si Simeon sa templo. At nakita niya na dala-dala si Jesus ng kanyang mga magulang upang gawin ang nakaugalian ayon sa Kautusan. 28 Kinarga ni Simeon ang sanggol at nagpuri sa Panginoon. Sinabi niya,
29 “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako,
mapayapa mo nang kunin ang iyong alipin.
30 Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda, sa harap ng lahat ng bansa:
32 Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil
at para sa kaluwalhatian ng bansa mong Israel.”
33 Ang ama at ina ng sanggol ay namangha sa mga sinabi tungkol sa kanya. 34 At binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng sanggol, “Tandaan mo ang sasabihin ko: itinalaga ang batang ito para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel. Siya'y magiging tanda na sasalungatin ng marami, 35 at mahahayag ang iniisip ng marami—at tila isang balaraw ang tatarak sa iyong puso.” 36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.
Ang Pagbabalik sa Nazareth
39 Pagkatapos nilang maisagawa ang lahat ng ayon sa Kautusan ng Panginoon, bumalik ang mga magulang ni Jesus sa kanilang bayang Nazareth sa Galilea. 40 Lumaking malusog ang bata, puspos ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.
Ang Batang si Jesus sa Templo
41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskuwa, nagpupunta sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus. 42 Nang naglabindalawang taong gulang na siya, umahon sila patungo sa kapistahan ayon sa kaugalian. 43 Nang matapos ang pista at sila ay pabalik na, nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem na hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. 44 Sa pag-aakalang kasama nila sa paglalakbay si Jesus sa kanilang grupo, tumagal nang isang araw bago nila ito hinanap sa kanilang mga kamag-anak at kakilala. 45 Nang hindi siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya. 46 Makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila ito na nakaupo sa templo, sa kalagitnaan ng mga guro—nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng nakapakinig sa kanya ay manghang-mangha sa kanyang katalinuhan at mga sagot. 48 Nang makita siya ng kanyang mga magulang, namangha sila. Sinabi sa kanya ng kanyang ina, “Anak, bakit ganito ang ginawa mo sa amin? Ako at ang iyong ama ay nag-aalala sa kahahanap sa iyo.” 49 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa tahanan ako ng aking ama?” 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya sa kanila. 51 Umalis siyang kasama nila pauwi sa Nazareth at siya ay naging masunurin sa kanila. At pinakaingatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso. 52 Lumago si Jesus sa karunungan at pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao.
Mga Kamanggagawa para sa Diyos
3 Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, 3 sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? 4 Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? 5 Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. 9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.
18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[a] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.