Add parallel Print Page Options

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumunta sa libingan upang ito'y tingnan. At biglang lumindol nang malakas, sapagkat may isang anghel ng Panginoon na bumaba mula sa langit. Pumunta iyon sa libingan, iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. Parang kidlat ang kanyang anyo at parang busilak sa kaputian ang kanyang pananamit. At dahil sa takot sa anghel, nanginig at hinimatay ang mga bantay. Subalit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, sapagkat nabuhay siyang muli, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang kanyang hinigaan.[a] Magmadali kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.” Nagmamadali nga silang umalis sa libingan nang may magkahalong takot at malaking tuwa. Tumakbo sila upang magbalita sa mga alagad niya.

Read full chapter

Footnotes

  1. Mateo 28:6 Sa ibang mga manuskrito ay hinigan ng Panginoon.

Nabuhay Muli si Jesus(A)

24 Maagang-maaga pa ng unang araw ng sanlinggo, pumunta na ang mga babae sa libingan dala ang mga pabango na kanilang inihanda. Natagpuan nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. Pagpasok nila ay hindi nila nakita ang bangkay ng Panginoong Jesus. Habang sila ay takang-taka dahil dito, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nagniningning ang kasuotan. Sa kanilang takot ay dumapa sila sa lupa. Sinabi ng mga lalaki sa kanila, “Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa piling ng mga patay? Wala siya rito. Siya'y muling binuhay! Natatandaan ba ninyo ang sinabi niya sa inyo nang nasa Galilea pa siya? ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng makasalanan, at ipako sa krus, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’ ” Kaya't naalala nila ang sinabi ni Jesus. Pagbalik nila mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng iyon sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan. 10 Ang nagbalita ng mga ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. 11 Ngunit inakala ng mga apostol na walang kabuluhan ang mga iyon kaya't hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. 12 Ngunit tumakbo si Pedro patungo sa libingan at nang yumukod ay nakita na lamang niya ang mga telang lino. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.

Read full chapter

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus

20 Umaga ng unang araw ng sanlinggo, habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan at nakita niyang naalis na ang batong pantakip sa libingan. Kaya't siya'y tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” Kaya't umalis si Pedro at ang alagad na iyon at nagpunta sila sa libingan. Kapwa tumakbo ang dalawa, subalit naunahan ng alagad na iyon si Pedro kaya una siyang nakarating sa libingan. Yumuko siya upang sumilip sa loob at nakita niya ang mga telang pangbalot na nakalatag doon, ngunit hindi siya pumasok. Dumating na kasunod niya si Simon Pedro at pumasok ito sa libingan. Nakita ni Pedro na nakalatag doon ang mga telang panlibing, at ang ibinalot sa ulo ni Jesus na hindi nakalagay kasama ng mga telang panlibing, kundi nakabalumbong mag-isa sa isang lugar. Pagkatapos, ang alagad na unang nakarating sa libingan ay pumasok din, at nakita niya, at siya'y naniwala; sapagkat hanggang sa panahong iyon, hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ng Kasulatan, na kailangan munang muling mabuhay si Jesus mula sa kamatayan. 10 Pagkatapos, umuwi na ang mga alagad.

Read full chapter