Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 2

Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos(A) (B) niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[a]

Pagkatapos,(C) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[b] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo(D) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[c] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.

15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” 19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. 20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.

21 Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. 22 Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, narito ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki[d] siya'y kinuha.”

24 Ito(E) ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. 25 Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.

Mateo 2

Ang Pagdalaw kay Jesus

Panahon ng paghahari ni Herodes[a] sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas[b] mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.”

Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta:

‘At(A) Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda,
    ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda.
Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno
    na mamamahala sa aking bayang Israel.’”

Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. 10 Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. 11 Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira.

12 Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Papunta sa Egipto

13 Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon(B) sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.”

Ipinapatay ang Maliliit na Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas.

17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 “Narinig(C) sa Rama ang isang tinig,
    tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy.
Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak.
    Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.”

Ang Pagbalik mula sa Egipto

19 Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Dalhin mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya't bumangon nga si Jose at dinala sa Israel ang kanyang mag-ina.

22 Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, 23 at(D) doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.”

Ezra 2

Ang Listahan ng mga Bumalik na Bihag(A)

Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.

Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

3-20 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israelitang nakauwi:

Paros2,172
Sefatias372
Arah775
Pahat-moab (sa mga anak nitong sina Jeshua at Joab)2,812
Elam1,254
Zatu945
Zacai760
Bani642
Bebai623
Azgad1,222
Adonikam666
Bigvai2,056
Adin454
Ater (tinatawag ding Ezequias)98
Bezai323
Jora112
Hasum223
Gibar95

21-35 Ito naman ang listahan ng mga angkang nakabalik na nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Bethlehem123
Netofa56
Anatot128
Azmavet42
Jearim, Cafira at Beerot743
Rama at Geba621
Micmas122
Bethel at Hai223
Nebo52
Magbis156
Elam1,254
Harim320
Lod, Hadid, at Ono725
Jerico345
Senaa3,630

36-39 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng pari:

Jedaias (mula kay Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

40-42 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng Levita:

Jeshua at Kadmiel (mula kay Hodavias)74
Mga mang-aawit (mula kay Asaf)128
Mga bantay-pinto (mula kina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Sobai)139

43-54 Ang mga manggagawa naman ng Templo na nakabalik mula sa pagkabihag ay ang mga angkan nina:

Ziha, Hasufa, Tabaot,

Keros, Siaha, Padon,

Lebana, Hagaba, Akub,

Hagab, Samlai, Hanan,

Gidel, Gahar, Reaias,

Rezin, Nekoda, Gazam,

Uza, Pasea, Besai,

Asnah, Meunim, Nefisim,

Bakbuk, Hakufa, Harhur,

Bazlut, Mehida, Harsa,

Barkos, Sisera, Tema,

Nezias, at Hatifa.

55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga sumusunod na angkan ng mga lingkod ni Solomon:

Sotai, Hasoferet, Peruda,

Jaala, Darkon, Gidel,

Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim,

at Ami.

58 Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392.

59-60 May 652 na buhat sa mga angkan nina Delaias, Tobias, at Nekoda ang bumalik mula sa mga bayan ng Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer, kahit hindi nila napatunayan na sila'y mga Israelita.

61-62 Hindi rin mapatunayan ng mga sumusunod na angkan ng mga pari ang kanilang pinagmulang lahi: Habaias, Hakoz, at Barzilai. Ang kauna-unahang ninuno ng angkang ito ay nakapag-asawa sa anak na babae ni Barzilai na Gileadita, kaya't ang pangalan ng kanilang angkan ay mula sa pangalan ng kanyang biyenan. Hindi sila ibinilang na mga pari sapagkat hindi nila napatunayan kung sino ang kanilang mga ninuno. 63 Sinabihan(B) sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim.

64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360.

Ang kanilang mga utusang lalaki at babae ay 7,337.

Ang mga manunugtog na lalaki at babae ay 200.

Ang mga kabayo ay 736.

Ang mga mola ay 245.

Ang mga kamelyo ay 435.

Ang mga asno ay 6,720.

68 Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. 69 Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari.

70 Ang(C) mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno.

Mga Gawa 2

Ang Pagdating ng Espiritu Santo

Nagkakatipon(A) silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.

May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia[a]. 10 Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 11 May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” 12 Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?”

13 Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!”

Nangaral si Pedro

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. 16 Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel,

17 ‘Ito(B) ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos,
‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao;
    ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe.
Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
    at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu,
    sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae,
    at ipahahayag nila ang aking mensahe.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit
    at mga himala sa lupa;
    dugo, apoy at makapal na usok.
20 Ang araw ay magdidilim,
    ang buwan ay pupulang parang dugo,
    bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit(C) siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, 25 gaya(D) ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama,
    hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.
26 Dahil dito, natuwa ang puso ko at
    ang mga salita ko'y napuno ng galak,
    at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay,[b]
At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod.
28 Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay,
    dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’

29 “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. 30 Siya'y(E) propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. 31 Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay,[c] at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. 33 Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. 34 Hindi(F) si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

36 “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!”

37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?”

38 Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. 39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.”

40 Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.”

41 Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. 42 Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.

Ang Pamumuhay ng mga Sumasampalataya

43 Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem],[d] naghari sa lahat ang takot. 44 Nagsama-sama(G) ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. 46 Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. 47 Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.