Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 26

Si Isaac sa Gerar at sa Beer-seba

26 Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo. Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. Dito(A) ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham. Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi. Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.”

Doon nga tumira si Isaac sa Gerar. Kung(B) tinatanong siya ng mga tagaroon tungkol kay Rebeca, sinasabi niyang ito'y kanyang kapatid. Inililihim niyang mag-asawa sila sa takot na siya'y patayin para makuha si Rebeca, sapagkat ito'y maganda. Hindi pa sila nagtatagal sa lugar na iyon, nadungawan minsan ni Abimelec sina Isaac at Rebeca na naglalambingan. Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?”

“Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac.

10 “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!” 11 At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.”

12 Nang taóng iyon, si Isaac ay nagsaka sa lupain ng Gerar at makasandaang ibayo ang kanyang inani kaysa kanyang itinanim. Pinagpala siya ni Yahweh. 13 Patuloy na lumago ang kanyang kabuhayan, at siya'y naging napakayaman. 14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo sapagkat marami siyang alipin at mga kawan ng tupa at baka. 15 Kaya't tinabunan nila ang mga balong ginawa ng mga alipin ni Abraham noong ito'y nabubuhay pa.

16 Sinabi ni Abimelec, “Umalis ka na, Isaac; mas makapangyarihan ka pa ngayon kaysa amin.” 17 Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama.

19 Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis, 20 ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon.

21 Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.” 22 Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.”

23 Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba. 24 Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi,

“Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham,
huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita;
pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahi
alang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.”

25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin.

Ang Kasunduan ni Isaac at ni Abimelec

26 Dumating(C) si Abimelec buhat sa Gerar kasama si Ahuzat na kanyang tagapayo at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 27 Tinanong siya ni Isaac, “Bakit mo ako dinalaw? Hindi ba't galit ka sa akin at ako'y pinaalis mo sa iyong bayan?”

28 Ito ang sagot nila: “Naniniwala na kami ngayon na kasama mo ang Diyos; nais naming makipagkasundo sa iyo. Ipangako mo sanang 29 hindi mo kami pipinsalain, sapagkat hindi ka rin naman namin pininsala. Pinakitaan ka namin ng mabuti at hindi ka ginambala sa iyong pag-alis. Ikaw ngayon ang pinagpapala ni Yahweh.” 30 Naghanda si Isaac ng malaking salu-salo at sila'y nagkainan at nag-inuman. 31 Kinaumagahan, sila'y nagsumpaang magiging magkaibigan, at saka mapayapang naghiwalay.

32 Nang araw ring iyon, ibinalita ng mga alipin ni Isaac na sila'y nakahukay na ng tubig. 33 Tinawag niyang “Balon ng Panata” ang balong iyon. Kaya, hanggang ngayon ay Beer-seba[a] ang tawag sa lunsod na itinayo roon.

Nag-asawa ng mga Dayuhan si Esau

34 Apatnapung taon si Esau nang siya'y mag-asawa; si Judit na anak ng Heteong si Beeri ang napangasawa niya. Naging asawa rin niya si Basemat, anak naman ni Elon, isa ring Heteo. 35 Ang dalawang ito ang naging dahilan ng malaking sama ng loob nina Isaac at Rebeca.

Mateo 25

Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga

25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay.

“Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’

“‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. 10 Kaya't lumakad ang limang dalagang iyon upang bumili ng langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto.

11 “Pagkatapos,(B) dumating naman ang iba pang dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ pakiusap nila.

12 “Ngunit tumugon siya, ‘Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.’”

13 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.”

Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(C)

14 “Ang(D) paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. 15 Binigyan niya ng salaping ginto[a] ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. 16 Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. 17 Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. 18 Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon.

19 “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. 20 Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’

21 “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’

22 “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’

23 “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’

24 “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. 25 Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.’

26 “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, 27 bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! 28 Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. 29 Sapagkat(E) ang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon(F) ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”

Ang Paghuhukom

31 “Sa(G) maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. 32 Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. 33 Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. 34 Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. 35 Sapagkat(H) ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. 36 Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’

37 “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? 39 At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’

40 “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’

41 “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. 43 Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’

44 “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’

45 “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ 46 Itataboy(I) ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.”

Ester 2

Naging Reyna si Ester

Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.

Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa(A) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.

12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.

15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal[a] sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.

Iniligtas ni Mordecai ang Hari

19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata). 21 Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito. 22 Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai. 23 Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.

Mga Gawa 25

Naghabol si Pablo sa Emperador

25 Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag ito sa Jerusalem. Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may kasalanan siya, saka ninyo siya isakdal.”

Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.”

Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?”

10 Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. 11 Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dahil dito'y dapat akong parusahan ng kamatayan, hindi ako tututol. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Sa Emperador ako dudulog.”

12 Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Yamang sa Emperador mo gustong dumulog, sa Emperador ka pupunta.”

Isinangguni ni Festo kay Agripa ang Kaso ni Pablo

13 Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. 15 Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. 16 Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi niya nakakaharap ang mga nagsasakdal sa kanya at naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa paratang. 17 Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. 19 Ang pinagtatalunan nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus na patay na, ngunit iginigiit ni Pablo na buháy. 20 Hindi ko alam kung paano sisiyasatin ang bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. 21 Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”

22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.”

“Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo.

Iniharap si Pablo kina Agripa at Bernice

23 Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lungsod. Buong karangyaan silang pumasok sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo'y iharap sa kanila. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. 25 Ngunit sa pagsisiyasat ko'y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. 26 Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya'y masiyasat natin. 27 Sa palagay ko'y hindi nararapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.