Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 11

Ang Tore ng Babel

11 Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,[a] nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”

Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. Babel[b] ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.

Ang Lahi ni Shem(A)

10 Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11 Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

12 Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

14 Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15 Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

16 Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17 Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

18 Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19 Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.

20 Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21 Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

22 Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23 Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

24 Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25 Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.

Ang Lahi ni Terah

26 Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.

27 Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28 Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29 Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30 Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.

31 Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32 Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.

Mateo 10

Ang Labindalawang Alagad(A)

10 Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(B)

Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo(C) kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. 10 Sa(D) inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay.

11 “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. 12 Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ 13 Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. 14 At(E) kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Tandaan(F) ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.”

Mga Pag-uusig na Darating(G)

16 “Tingnan(H) ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. 17 Mag-ingat(I) kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

21 “Ipagkakanulo(J) ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan(K) kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. 23 Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao.

24 “Walang(L) alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. 25 Sapat(M) nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.”

Ang Dapat Katakutan(N)

26 “Kaya(O) huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan.[a] 28 Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. 29 Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. 30 At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. 31 Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Pagpapatotoo kay Cristo(P)

32 “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit(Q) ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Hindi Kapayapaan Kundi Tabak(R)

34 “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. 35 Naparito(S) ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. 36 At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay.

37 “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang(T) hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang(U) nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.”

Mga Gantimpala(V)

40 “Ang(W) tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. 42 Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.”

Ezra 10

Nakipaghiwalay ang mga may Asawang Hindi Kalahi

10 Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.”

Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman.

Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan.

10 Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. 11 Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.”

12 Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! 13 Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. 14 Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” 15 Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita.

16 Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, 17 at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga.

Ang mga Lalaking may mga Asawang Banyaga

18 Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga:

Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. 19 Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan.

20 Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias.

21 Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias.

22 Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa.

23 Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita.

24 Sa mga mang-aawit: Si Eliasib.

Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri.

25 Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias.

26 Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias.

27 Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza.

28 Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai.

29 Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot.

30 Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases.

31-32 Mula sa angkan ni Harim: sina Eliezer, Isijas, Malquijas, Semaias, Simeon, Benjamin, Maluc, at Semarias.

33 Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei.

34-37 Mula sa angkan ni Bani: sina Maadai, Amram, Uel, Benaias, Bedeias, Heluhi, Vanias, Meremot, Eliasib, Matanias, Matenai, at Jaasu.

38-42 Mula sa angkan ni Binui: sina Simei, Selemias, Natan, Adaias, Macnadebai, Sasai, Sarai, Azarel, Selemias, Semarias, Sallum, Amarias, at Jose.

43 Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias.

44 Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak.[a]

Mga Gawa 10

Ang Pangitain ni Pedro

10 Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.”

Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?”

Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.”

Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa.

Kinabukasan,(A) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[a] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”

14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”

15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.

17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.

Ang Kahulugan ng Pangitain

18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[b] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”

21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”

22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.

Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. 24 Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. 25 Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. 26 Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.”

27 Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. 28 Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. 29 Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.”

30 Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin[c] dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan.

31 “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. 32 Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ 33 Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon.[d]

Nangaral si Pedro

34 At(B) nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. 35 Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. 36 Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! 37 Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. 38 Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos.

39 “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus[e]. 40 Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, 41 hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 42 Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. 43 Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.”

Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil

44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.