Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 3

Nagkasala ang Tao

Ang(A) ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?”

Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.”

Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.”

Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan.

Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?”

10 “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki.

11 Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?”

12 “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki.

13 “Bakit(B) mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae.

“Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito.

Inihayag ng Diyos ang Kaparusahan

14 At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas:

“Sa iyong ginawa'y may parusang dapat,
    na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas;
mula ngayon ikaw ay gagapang,
    at ang pagkain mo'y alikabok lamang.
15 Kayo(C) ng babae'y aking pag-aawayin,
    binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
    at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
16 Sa babae nama'y ito ang sinabi:
“Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin,
    at sa panganganak sakit ay titiisin;
ang asawang lalaki'y iyong nanasain,
    pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.”

17 Ito(D) naman ang sinabi ng Diyos kay Adan:

“Dahil nakinig ka sa iyong asawa,
    nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga;
dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa,
    sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula.
18 Mga damo at tinik ang iyong aanihin,
    halaman sa gubat ang iyong kakainin;
19 sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling
maghihirap ka hanggang sa malibing.
    Dahil sa alabok, doon ka nanggaling,
    sa lupang alabok ay babalik ka rin.”

20 Eva[a] ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. 21 Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop.

Pinalayas sa Hardin si Adan at si Eva

22 Pagkatapos,(E) sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.” 23 Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan.

24 Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay.

Mateo 3

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Nang(E) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at(F) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(G) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(H) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Binautismuhan si Jesus(I)

13 Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. 14 Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” 15 Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. 17 At(J) isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!”

Ezra 3

Muling Sinimulan ang Pagsamba

Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem. Ang(A) altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Bagama't[a] (B) takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi. Ipinagdiwang(C) din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw. Bukod(D) dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh. Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.

Sinimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo

Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia. Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas. Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak.

10 Nang(E) inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel. 11 Nagsagutan(F) sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit:

“Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na. 12 Marami(G) sa matatandang pari, Levita at pinuno ng mga angkan na nakakita sa unang templo ang umiyak nang malakas habang sinasaksihan ang paglalagay ng pundasyon ng bagong Templo. Marami ring tao ang sumigaw nang may kagalakan. 13 Dahil dito'y hindi na malaman kung alin ang sigaw ng kagalakan at alin ang sigaw ng pag-iyak sapagkat ang ingay ng mga tao ay napakalakas at dinig sa malayo.

Mga Gawa 3

Pinagaling ang Isang Lumpo

Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Nangaral si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. 12 Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati (A) ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. 14 Itinakwil(B) ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. 16 Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita.

17 “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, 20 at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. 22 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos[a] ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. 23 Ang(D) sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. 25 Ang(E) mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno[b] nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ 26 Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.