M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Labis na Kasamaan sa Sodoma
19 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. 2 “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”
Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”
3 Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.
4 Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. 5 Pasigaw(A) nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”
6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto. 7 Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. 8 Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”
9 Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. 10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos,(B) binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.
Iniwan ni Lot ang Sodoma
12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, 13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”
14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” 16 Nag-aatubili(C) pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod. 17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”
18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. 19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. 20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”
21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. 22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”
Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.[a]
Ginunaw ang Sodoma at Gomorra
23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. 24 Saka(D) pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. 25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. 26 Ngunit(E) lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.
27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. 28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. 29 Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.
Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita
30 Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon. 31 Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak. 32 Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.” 33 Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay.
34 Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.” 35 Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan. 36 Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid. 37 Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab.[b] Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon. 38 Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi.[c] Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon.
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila 3 at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”
Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)
6 “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. 7 Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.
8 “Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. 9 Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”
Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(G)
10 “Pakaingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(I) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(J) magkasala [sa iyo][c] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. 16 Ngunit(K) kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.”
Kapangyarihang Magbawal o Magpahintulot
18 “Tandaan(L) ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit.
19 “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. 20 Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.”
Ang Talinghaga tungkol sa Lingkod na Di Marunong Magpatawad
21 Lumapit(M) si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?”
22 Sinagot(N) siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito.[d] 23 Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso.[e] 25 Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. 26 Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ 27 Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya.
28 “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso.[f] Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ 29 Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ 30 Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad.
31 “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. 32 Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. 33 Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ 34 At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. 35 Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Binasa ni Ezra ang Kautusan
8 Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. 2 Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. 3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti.
4 Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam.
5 Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. 6 “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra.
Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh.
7 Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. 8 Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao.
9 Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, 10 “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.”
11 Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila.
Ipinagdiwang ang Pista ng mga Tolda
13 Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. 14 Natuklasan(A) nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. 15 Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” 16 Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. 17 Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. 18 Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan.
Sa Corinto
18 Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. 2 Nakilala niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, 3 at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. 4 Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga sinagoga, at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego.
5 Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. 6 Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” 7 Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio[a] Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. 8 Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nanalig sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.
9 Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil 10 sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” 11 Kaya't nanatili siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati.
12 Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. 13 Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!”
14 Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. 15 Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” 16 At sila'y pinalabas niya sa hukuman. 17 Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio.
Ang Pagbabalik sa Antioquia
18 Pagkatapos(A) nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata.[b] Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. 19 Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. 20 Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. 21 Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko.
22 Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. 23 Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon.
Si Apolos sa Efeso at sa Corinto
24 Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. 25 Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. 26 Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. 27 At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, 28 sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.