Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 5

Ang Lahi ni Adan(A)

Ito(B) ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. Sila'y(C) nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”.[a] Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. Namatay siya sa gulang na 930 taon.

Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos. Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 912 taon.

Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan. 10 Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 11 Namatay siya sa gulang na 905 taon.

12 Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel. 13 Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 14 Namatay siya sa gulang na 910 taon.

15 Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared. 16 Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 17 Namatay siya sa gulang na 895 taon.

18 Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc. 19 Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 20 Namatay siya sa gulang na 962 taon.

21 Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem. 22 Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak. 23 Umabot siya nang 365 taon, 24 at(D) sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos.

25 Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec. 26 Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. 27 Namatay siya sa gulang na 969 na taon.

28 Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak. 29 Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe[b] ang ipinangalan niya sa kanyang anak. 30 Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak. 31 Namatay siya sa gulang na 777 taon.

32 Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet.

Mateo 5

Ang Sermon sa Bundok

Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at siya'y nagsimulang magturo sa kanila.

Ang mga Pinagpala(A)

“Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
    sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.
“Pinagpala(B) ang mga nagdadalamhati,
    sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
“Pinagpala(C) ang mga mapagpakumbaba,
    sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
“Pinagpala(D) ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos,
    sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos.
“Pinagpala ang mga mahabagin,
    sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
“Pinagpala(E) ang mga may malinis na puso,
    sapagkat makikita nila ang Diyos.
“Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
    sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
10 “Pinagpala(F) ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos,
    sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit.

11 “Pinagpala(G) ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan][a] nang dahil sa akin. 12 Magsaya(H) kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.”

Asin at Ilaw(I)

13 “Kayo(J) ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?

14 “Kayo(K) ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Walang(L) taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin(M) naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.”

Katuruan tungkol sa Kautusan

17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta.[b] Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan(N) ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.”

Ang Katuruan tungkol sa Pagkagalit

21 “Narinig(O) ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.

25 “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.”

Ang Katuruan Laban sa Pangangalunya

27 “Narinig(P) ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung(Q) ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung(R) ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.”

Paghihiwalay Dahil sa Pangangalunya(S)

31 “Sinabi(T) rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ 32 Ngunit(U) sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid,[c] itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.”

Katuruan tungkol sa Panunumpa

33 “Narinig(V) din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ 34 Ngunit(W) sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o(X) kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”

Katuruan Laban sa Paghihiganti(Y)

38 “Narinig(Z) ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. 41 Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya,[d] pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.”

Pagmamahal sa Kaaway(AA)

43 “Narinig(AB) ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang(AC) kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya(AD) maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”

Ezra 5

Nang(A) panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. Nang(B) marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos.

Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” Tinanong pa nila,[a] “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari:

“Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario.

“Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa.

“Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. 10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.

11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. 12 Ngunit(C) dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. 13 Ngunit,(D) noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. 14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. 15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. 16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’

17 “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.”

Mga Gawa 5

Si Ananias at si Safira

Subalit mayroong mag-asawa na nagbenta ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan na sinang-ayunan naman ng kanyang asawa. Isang bahagi lamang ang kanyang ipinagkatiwala sa mga apostol. Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.”

Nang(A) marinig ito ni Ananias, siya'y nalagutan ng hininga at bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing.

Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?”

“Opo, iyan lamang,” sagot ng babae.

Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!”

10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. 11 Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito.

Ang Pagpapagaling sa mga Maysakit

12 Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, 13 ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. 14 Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat.

Ang Pag-uusig sa mga Apostol

17 Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. 19 Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” 21 Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao.

Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, 22 ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, 23 “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” 24 Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol.

25 Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.”

26 Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao.

27 Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. 28 “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi(B) niya. “Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” 29 Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus.[a] 31 Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. 32 Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. 34 Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, 35 at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. 36 Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. 37 Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. 38 Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. 39 Ngunit(C) kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!”

Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. 40 Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. 41 Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. 42 At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.