Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 4

Si Cain at si Abel

Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain[a] ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. Kinuha(A) naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.”

Isang(B) araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel.

Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?”

Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?”

10 At(C) sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. 11 Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. 12 Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.”

13 “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. 14 “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.”

15 “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. 16 Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden.

Ang Angkan ni Cain

17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. 18 Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. 19 Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. 20 Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. 21 Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa:

“Dinggin ninyo itong aking sasabihin,
    Ada at Zilla, mga asawa kong giliw;
may pinatay akong isang kabataan,
    sapagkat ako'y kanyang sinugatan.
24 Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad;
    ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.”

Ang Angkan ni Set

25 Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set.[b] 26 Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba.

Mateo 4

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,

‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
    kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”

10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
    At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.

Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(G)

12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(I) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 “Lupain(J) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
    daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
    sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
    ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
    ay sumikat ang liwanag.”

17 Magmula(K) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(L)

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(M)

23 Nilibot(N) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

Ezra 4

May Sumalungat sa Muling Pagtatayo ng Templo

Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kinausap(A) nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.”

Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario.

Sinalungat ang Muling Pagtatatag ng Jerusalem

Sa(B) simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila.

Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa.

Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem.[a]

“Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; 10 kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”

11 Ito ang nilalaman ng liham:

“Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates.

12 “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. 13 Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. 14 Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo 15 upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. 16 Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.”

17 Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari:

“Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo.

18 “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. 19 Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. 20 Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. 21 Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. 22 Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.”

23 Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod.

Ipinagpatuloy ang Gawain sa Templo

24 Napahinto(C) nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia.

Mga Gawa 4

Sina Pedro at Juan sa Harap ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio,[a] ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki.

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?”

Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, 10 nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. 11 Ang(A) Jesus na ito

‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay,
    ang siyang naging batong-panulukan.’

12 Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.”

13 Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. 14 Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. 15 Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. 16 “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” 18 Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus.

19 Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. 20 Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.”

21 Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. 22 Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Panalangin Upang Magkaroon ng Katapangan

23 Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. 24 Nang(B) marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! 25 Kayo(C) po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo,

‘Bakit galit na galit ang mga Hentil,
    at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa,
    at nagtipon ang mga pinuno
    laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang[b].’

27 Nagkatipon(D) nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. 28 Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita. 30 Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod[c] na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.”

31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Nagkaisa(E) ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus.[d] At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. 34 Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan 35 ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

36 Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak ng Pagpapalakas-loob.” 37 Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ipinagkatiwala sa mga apostol ang pinagbilhan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.