Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 14

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.

Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10 Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11 Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.

13 Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14 Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15 Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.

Binasbasan ni Melquisedec si Abram

17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(A) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,

“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
    na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
    na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”

At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.

21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”

22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”

Mateo 13

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)

13 Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil(B) sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya:

“May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)

10 Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” 11 Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. 12 Sapagkat(D) ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. 13 Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. 14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi,

‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman,
    at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman.
15 Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito;
    mahirap makarinig ang kanilang mga tainga,
    at ipinikit nila ang kanilang mga mata,
kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata,
    nakarinig ang kanilang mga tainga,
    nakaunawa ang kanilang mga isip,
at nagbalik-loob sila sa akin,
    at pinagaling ko sila.’

16 “Subalit(F) pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! 17 Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.”

Ipinaliwanag ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)

18 “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. 19 Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan.

20 “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito 21 ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya.

22 “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.

23 “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”

Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

24 Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. 25 Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. 26 Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. 27 Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ 28 Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ 29 ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. 30 ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”

Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(H)

31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(I)

33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”

Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(J)

34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(K) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[a]

“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
    ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[b]

Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan

36 Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” 37 Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, 38 ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. 40 Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. 41 Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. 42 Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!”

Ang Natatagong Kayamanan

44 “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.”

Ang Perlas na Mahalaga

45 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. 46 Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.”

Ang Lambat

47 “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. 48 Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. 49 Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, 50 at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.”

Kayamanang Bago at Luma

51 “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. 52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.”

Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(L)

53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(M) siya'y hindi nila pinaniwalaan.

Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.

Nehemias 3

Mga Parteng Ipinagagawa

Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel. Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi.

Ang gumawa ng Pintuan ng Isda ay ang angkan ni Hasenaa. Nilagyan nila ito ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Meremot na anak ni Urias at apo naman ni Hakoz. Ang gumawa ng kasunod nito ay si Mesulam na anak ni Berequias at apo ni Mesezabel.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Zadok na anak ni Baana.

Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga maharlika ay tumangging gawin ang mga iniatas ng mga namamahala.

Ang muling nag-ayos ng Pintuang Luma ay sina Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Sila rin ang naglagay ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado.

Ang kasunod nito ay ginawa nina Melatias na taga-Gibeon at Jadon na taga-Meronot, at ng mga taga-Gibeon at Mizpa, hanggang sa tirahan ng gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ni Uziel na platero, anak ni Harhaia.

Ang sumunod na bahagi hanggang sa Malapad na Pader ay ginawa ni Hananias na manggagawa ng pabango. Ang kasunod na bahagi ay ginawa naman ng anak ni Hur na si Refaias, pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.

10 Si Jedaias na anak ni Harumaf ang gumawa ng sunod na bahaging malapit sa kanyang bahay.

Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Hatus na anak ni Hasabneias.

11 Ang bahaging kasunod hanggang sa Tore ng mga Hurno ay ginawa ni Malquias na anak ni Harim at ni Hasub na anak naman ni Pahat-moab.

12 Ang kasunod nito ay ginawa ng anak ni Halohesh na si Sallum, pinuno ng isa pang kalahating distrito ng Jerusalem. Siya'y tinulungan ng kanyang mga anak na babae.

13 Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila.

14 Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado.

15 Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum,[a] pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David.

16 Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur.

Ang mga Levitang Nagtayo ng Pader

17 Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi.

Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila.

18 Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi.

19 Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata.

20 Ang anak ni Zabai na si Baruc ang gumawa ng kasunod na bahagi, mula sa taguan ng mga sandata hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.

21 Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng anak ni Urias at apo ni Hakoz na si Meremot. Ito'y umabot hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.

Ang mga Paring Nagtayo ng Pader

22 Ang mga sumusunod na pari ay nagtayo rin ng mga kasunod na bahagi ng pader:

Ang mga pari sa paligid ng Jerusalem ang gumawa ng kasunod na bahagi.

23 Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay.

Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay. 24 Mula dito hanggang sa sulok ng pader ang nag-ayos naman ay si Binui na anak ni Henadad.

25-26 Ang kasunod na bahagi ng pader ay ginawa ni Palal na anak ni Uzai. Ito'y mula sa sulok ng pader at ng tore sa itaas ng palasyo, malapit sa bulwagan ng mga bantay.

Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Pedaia na anak ni Paros. Ito'y pasilangan hanggang sa tabi ng Pintuang Tubig at ng toreng nagsisilbing bantay sa Templo. Malapit ito sa Ofel na tirahan ng mga manggagawa sa Templo.

Ang Iba pang mga Manggagawa

27 Ang mga taga-Tekoa naman ang nag-ayos ng bahagi mula sa toreng nagsisilbing bantay sa Templo hanggang sa Pader ng Ofel.

28 Isang pangkat ng mga pari ang nag-ayos ng pader sa pahilaga mula sa Pintuan ng Kabayo. Ginawa ng bawat isa ang bahaging nasa tapat ng kanyang bahay.

29 Si Zadok na anak ni Immer ang gumawa ng bahaging nasa tapat ng kanyang tahanan.

Ang kasunod nito'y ginawa ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapamahala ng Pintuang Silangan.

30 Si Hananias na anak ni Selemias at si Hanun, pang-anim na anak ni Zalaf ang gumawa naman ng kasunod na bahagi. Ito'y pangalawang bahagi na kanilang ginawa.

Si Mesulam na anak ni Berequias naman ang nag-ayos ng pader sa tapat ng kanyang bahay.

31 Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Malquias na isang platero. Ang ginawa niya'y umabot hanggang sa bahay ng mga katulong sa Templo at ng mga mangangalakal. Ang bahaging ito ay nasa tapat ng Pintuang Bantayan malapit sa silid na nasa itaas ng hilagang-silangang kanto ng pader. 32 Mula naman dito hanggang sa Pintuan ng mga Tupa, ang mga platero at mga mangangalakal ang nag-ayos ng pader.

Mga Gawa 13

Ang Pagkasugo kina Bernabe at Saulo

13 May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes[a] na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na.

Ang Pangangaral sa Cyprus

Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan[b] sa kanilang gawain.

Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas 10 at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? 11 Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.”

Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. 12 Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon.

Sa Antioquia sa Pisidia

13 Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan[c] at nagbalik sa Jerusalem. 14 Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo.

15 Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensaheng makapagpapalakas ng loob ng mga tao, maaari kayong magsalita.”

16 Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik,

“Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! 17 Ang(A) Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. 18 Sa(B) loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan[d] niya sa ilang. 19 Nilipol(C) niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. 20 Naganap ang lahat ng ito sa(D) loob ng halos apatnaraan at limampung taon.

“Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. 21 Nang(E) humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. 22 At(F) nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’

23 “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. 24 Bago(G) siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. 25 Nang(H) matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’

26 “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. 27 Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. 28 Kahit(I) na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. 29 At(J) nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus[e] at inilibing.

30 “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, 31 at(K) sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. 32 Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno 33 ay(L) tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit,

‘Ikaw ang aking Anak,
    sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’

34 Tungkol(M) naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos,

‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala
    gaya ng ipinangako ko kay David.’

35 At(N) sinabi rin niya sa iba pang bahagi,

‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’

36 Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. 37 Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. 38 Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. 39 At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. 40 Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta,

41 ‘Tingnan(O) ninyo, kayong mga nangungutya!
    Manggilalas kayo at mamatay!
Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan
    ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan,
    kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’”

42 Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. 43 Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos.

44 Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon.[f] 45 Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. 46 Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. 47 Ganito(P) ang iniutos sa amin ng Panginoon,

‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil
    upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’”

48 Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan.

49 Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. 50 Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. 51 Kaya't(Q) ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. 52 Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.