M’Cheyne Bible Reading Plan
30 Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.”
2 Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?”
3 Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.”
4 At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. 5 Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. 6 “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan[a] ang ipinangalan niya rito. 7 Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. 8 Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali[b] ang bata.
9 Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, 10 at nagkaanak ito ng lalaki. 11 “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad[c] ang ipapangalan ko sa kanya.” 12 Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. 13 Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher[d] ang bata.
14 Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea.
15 Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?”
Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.”
16 Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, 17 at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. 18 Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar[e] ang kanyang anak. 19 Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. 20 Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun.[f] 21 Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina.
22 Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. 23 Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” 24 At tinawag niyang Jose[g] ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25 Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi. 26 Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.”
27 Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo. 28 Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.”
29 Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa. 30 Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.”
31 “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban.
Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon. 32 Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin. 33 Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.”
34 “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban. 35 Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki. 36 Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan.
37 Pumutol naman si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendra at platano, at binalatan niya ang ibang parte upang magmukhang may batik. 38 Inilagay niya ito sa painuman upang makita ng mga hayop tuwing iinom. Sa ganoong pagkakataon nag-aasawahan ang mga hayop. 39 Napaglihian ang mga batik-batik na sanga, kaya naging batik-batik ang kanilang bisiro.
40 Ibinukod niya ang mga hayop na tagpian at itim sa kawan ni Laban upang ang mga ito ang laging natatanaw ng mga tupang puti. Sa gayon, parami nang parami ang sarili niyang kawan at ito'y hindi niya inihahalo sa kawan ni Laban.
41 Ang batik-batik na sanga ng kahoy ay inilalagay lamang ni Jacob sa painuman kung malulusog na hayop ang nag-aasawahan. 42 Ngunit hindi niya ito ginagawa kung ang mga hayop na nag-aasawahan ay hindi malulusog. Kaya't malulusog ang kanyang mga hayop samantalang ang kay Laban ay hindi. 43 Kaya't lalong yumaman si Jacob; lumaki ang kanyang kawan at dumami ang kanyang alipin, at mga kamelyo at asno.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)
1 Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos].[a] 2 Tulad(B) ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias,
“Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo;
ihahanda niya ang iyong daraanan.
3 Ito(C) ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”
4 At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral,[b] “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” 5 Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.
6 Ang(D) damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas.[c] 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.”
Ang Pagbautismo kay Jesus(E)
9 Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. 10 Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. 11 Narinig(F) niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”
Ang Pagtukso kay Jesus(G)
12 Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas.[d] Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel.
Ang Simula ng Pangangaral sa Galilea(H)
14 Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. 15 Sinabi(I) niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos![e] Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(J)
16 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” 18 Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa.
Pinagaling ang Sinasapian ng Masamang Espiritu(K)
21 Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha(L) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, 24 “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.”
25 Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!”
26 Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. 27 Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.”
28 Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.
Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(M)
29 Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. 30 Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. 31 Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila.
32 Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. 33 Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya.
Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(N)
35 Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at 37 nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.”
38 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.”[f]
39 Nilibot(O) nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Ketongin(P)
40 Isang taong may ketong[g] ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito][h] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.”
41 Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. 43 Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus 44 at(Q) pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.”
45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako.
Pinarangalan si Mordecai
6 Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. 2 Nabasa(A) ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. 3 Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?”
Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.”
4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”
Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. 5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”
At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”
Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, 7 kaya sinabi niya, “Ganito po: 8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. 9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”
11 Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.”
12 Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. 13 Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo.[a] Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.”
14 Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester.
1 Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
2 Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. 5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya. 6 Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.
7 Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8 Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. 9 Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan. 11 Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
13 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16 Hindi(B) ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat(C) sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[b]
Mga Kasalanan ng Sangkatauhan
18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula(D) pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran(E) nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.
24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.
28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,[c] kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,[d] walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.