Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 15

Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram

15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”

Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”

Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” Dinala(A) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” Si(B) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.

Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”

Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”

Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.

12 Nang(C) lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. 13 Sinabi(D) ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit(E) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. 15 Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. 16 Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.”

17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(F) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”

Mateo 14

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(A)

14 Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea,[a] kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!”

Itong(B) si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Sapagkat(C) sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo.

Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. 10 Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. 11 Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

12 Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari.

Ang Mahimalang Pagpapakain sa Limanlibo(D)

13 Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. 14 Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila.

15 Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at liblib ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.”

16 “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain,” sabi ni Jesus.

17 Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.”

18 “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. 19 Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. 20 Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. 21 May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(E)

22 Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. 23 Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. 24 Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. 25 Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. 26 Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. 27 Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!”

28 Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.”

29 Sumagot siya, “Halika.”

Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. 30 Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin,[b] siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya.

31 Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro.

32 Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin 33 at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(F)

34 Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. 35 Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. 36 Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling.

Nehemias 4

Mga Masamang Balak Laban kay Nehemias

Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio. Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?”

Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!”

Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain. Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.”

Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho.

Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit. Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin. Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi.

10 Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit:

“Nanghihina kami sa bigat ng pasan,
at sobrang dami ng batong nabuwal.
Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.”

11 Akala ng aming mga kaaway ay hindi namin sila makikita at hindi namin alam ang kanilang binabalak na pagsalakay. Iniisip nilang mapupuksa nila kami at mahihinto ang aming gawain. 12 Hindi nila alam na ang mga Judio na nakatirang kasama nila ay laging nagbabalita sa amin ng tungkol sa kanilang masamang balak.

13 Kaya't nagtalaga ako ng mga bantay sa ibaba, sa likod ng pader, at sa mga lugar na hindi pa tapos ang pader. Inilagay ko sila sa gawaing ito ayon sa kani-kanilang angkan. Binigyan ko sila ng iba't ibang sandata gaya ng espada, sibat at pana.

14 Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” 15 Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader.

16 Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong 17 sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. 18 Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. 19 Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, 20 kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.”

21 At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. 22 Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” 23 Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata.

Mga Gawa 14

Sa Iconio

14 Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol.

Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita.

Sa Listra

Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo 10 at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad.

11 Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. 13 Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol.

14 Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, 15 “Mga(A) ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. 16 Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. 17 Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” 18 Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog.

19 Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, 20 subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe.

Ang Pagbabalik sa Antioquia

21 Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. 22 Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. 23 Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan.

24 Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. 25 Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. 26 Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na.

27 Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. 28 At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.