M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasamaan ng Sangkatauhan
6 Napakarami(A) na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. 2 Nang makita ng mga anak ng Diyos[a] na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. 3 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” 4 Nang(B) panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon.
5 Nakita(C) ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. 6 Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. 7 Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” 8 Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh.
Si Noe
9 Ito(D) ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. 10 Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. 11 Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. 12 Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao.
Pinagawa ng Malaking Barko si Noe
13 Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. 14 Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. 15 Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. 16 Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong[b] hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. 17 Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. 18 Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. 19 Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. 20 Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. 21 Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” 22 At(E) ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos.
Katuruan tungkol sa Paglilimos
6 “Pag-ingatan(A) ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.
2 “Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Katuruan tungkol sa Pananalangin(B)
5 “Kapag(C) nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.
7 “Sa(D) pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. 8 Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. 9 Ganito kayo mananalangin,
‘Ama naming nasa langit,
sambahin nawa ang iyong pangalan.
10 Dumating nawa ang iyong kaharian.[a]
Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit.
11 Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw;[b]
12 at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.
13 At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’[c]
14 “Sapagkat(E) kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. 15 Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.”
Katuruan tungkol sa Pag-aayuno
16 “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa(F) halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Ang Kayamanan sa Langit(G)
19 “Huwag(H) kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. 20 Sa(I) halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. 21 Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.”
Ang Ilaw ng Katawan(J)
22 “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. 23 Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”
Diyos o Kayamanan?(K)
24 “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan.
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin][d] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
28 “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit(L) sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!
31 “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33 Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos][e] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.
34 “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.”
Muling Natagpuan ang Utos ni Haring Ciro
6 Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. 2 At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat:
3 “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. 4 Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. 5 Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.”
Iniutos ni Dario na Ipagpatuloy ang Pagtatrabaho
6 Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito.
“Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates.
“Huwag na kayong makialam diyan. 7 Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. 8 Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. 9 Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. 10 Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. 11 Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. 12 Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.”
Itinalaga ang Templo
13 Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. 14 Patuloy(A) namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. 15 Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. 16 Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos. 17 Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel. 18 Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises.
Ang Paskwa
19 Pagsapit(B) ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag. 20 Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili. 21 Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo[a] ang mga Helenista[b]. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. 3 Kaya,[c] mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. 4 Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.”
5 Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. 6 Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay.
7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. 9 Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya[d], na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia[e]. 10 Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. 11 Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” 12 Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. 14 Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.