Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Genesis 22

Sinubok ng Diyos si Abraham

22 Pagkalipas(A) ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya.

Sinabi(B) sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.”

Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.”

Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!”

“Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham.

“Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac.

Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad.

Pagsapit(C) nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. 10 Nang sasaksakin na niya ang bata, 11 tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!”

“Narito po ako,” sagot ni Abraham.

12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.”

13 Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.”

15 Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, 16 “Ako'y(D) nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, 17 pagpapalain(E) kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan(F) ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.” 19 Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba.

Ang mga Angkan ni Nahor

20 Hindi nagtagal, nabalitaan ni Abraham na si Milca, ang asawa ng kanyang kapatid na si Nahor, ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki. 21 Ang panganay ay si Hus, sumunod si Buz at pagkatapos ay si Kemuel na ama ni Aram. 22 Ang iba pang naging anak ni Nahor kay Milca, ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Bethuel. 23 Si Bethuel ang ama ni Rebeca. Ito ang walong anak ni Nahor kay Milca. 24 Kay Reuma na asawang-lingkod ni Nahor, naging anak naman niya sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.

Mateo 21

Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

21 Nang malapit na sila sa Jerusalem, dumaan sila sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang babaing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon at ibibigay niya agad ang mga iyon sa inyo.”

Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta:

“Sa(B) lungsod[a] ng Zion ay ipahayag ninyo,
    ‘Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating.
Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno,
    at sa isang bisiro na anak ng asno.’”

Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang asno at ang bisiro, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal at sumakay si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan(C) ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!”[b]

10 Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. 11 “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan.

Nagalit si Jesus(D)

12 Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 13 Sinabi(E) niya, “Sinasabi sa Kasulatan,

‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’
    Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.”

14 Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. 15 Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!”

16 Sinabi(F) nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?”

“Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?”

17 Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

Sinumpa ang Puno ng Igos(G)

18 Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. 19 Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno.

20 Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila.

21 Sumagot(H) si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. 22 Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.”

Pag-uusisa tungkol sa Karapatan ni Jesus(I)

23 Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?”

24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?”

Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ 26 Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” 27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!”

Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak

28 “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ 29 ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. 30 Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. 31 Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?”

“Ang nakatatanda po,” sagot nila.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. 32 Sapagkat(J) naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.”

Ang Talinghaga tungkol sa Ubasan at mga Magsasaka(K)

33 “Pakinggan(L) ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. 34 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. 35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. 36 Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. 37 Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ 38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 39 Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.”

40 At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” 41 Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.”

42 Nagpatuloy(M) si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan?

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan.
Ginawa ito ng Panginoon,
    at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’

43 “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [44 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]”[c]

45 Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. 46 Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta.

Nehemias 11

Ang mga Nanirahan sa Jerusalem

11 Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem.

Ang(A) ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain.

Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468.

Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua.

10 Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, 11 si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. 12 Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. 13 Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. 14 Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya.[a]

15 Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni.

16 Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. 17 Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias.

Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. 18 Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284.

19 Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. 20 Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. 21 Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel.

22 Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. 23 Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari.

24 Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia.

Iba pang mga Bayan na Tinirhan ng Ibang Israelita

25 Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. 26 Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, 27 Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng 28 Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, 29 sa En-rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga.

31 Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng 32 Anatot, Nob, Ananias, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. 36 May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin.

Mga Gawa 21

Ang Pagpunta ni Pablo sa Jerusalem

21 Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na.

Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. Kinabukasan,(A) tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Makalipas(B) ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. 11 Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’”

12 Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.”

14 Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.”

15 Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya.

Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago

17 Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. 19 Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. 21 May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. 22 Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. 23 Ito(C) ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, 24 isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. 25 Tungkol(D) naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.”

26 Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila.

Ang Pagdakip kay Pablo

27 Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. 28 “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” 29 Ganoon(E) ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo.

30 Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. 31 Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. 33 Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya.

34 Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. 35 Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao 36 na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!”

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, sinabi niya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?”

“Marunong ka palang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. 38 “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namuno sa apat na libong armadong lalaki sa ilang.”

39 Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lungsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya't tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila'y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo,

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.