Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Ezekiel 13-15

13 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, manghula ka laban sa mga propeta ng Israel na nanganghuhula, at sabihin mo sa kanila na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon:

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sa aba ng mga hangal na mga propeta, na nagsisisunod sa kanilang sariling diwa, at walang nakitang anoman!

Oh Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga zorra sa mga gibang dako.

Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sangbahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipagbaka sa kaarawan ng Panginoon.

Sila'y nangakakita ng walang kabuluhan, at sinungaling na panghuhula, na nagsasabi, Sabi ng Panginoon; at hindi sila sinugo ng Panginoon; at kanilang pinaasa ang mga tao na ang salita ay magiging totoo.

Hindi baga kayo nakakita ng walang kabuluhang pangitain, at hindi baga kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, sa inyong pagsasabi, Sabi ng Panginoon; yamang hindi ko sinalita?

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't kayo'y nangagsasalita ng walang kabuluhan, at nangakakita ng mga kasinungalingan, kaya't, narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong Dios.

At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nangakakakita ng walang kabuluhan, at nanganghuhula ng mga kasinungalingan: sila'y hindi mapapasa kapulungan ng aking bayan, o masusulat man sa pasulatan ng sangbahayan ni Israel, o sila man ay magsisipasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong Dios.

10 Sapagka't, sa makatuwid baga'y sapagka't kanilang hinikayat ang aking bayan, na nangagsabi, Kapayapaan; at walang kapayapaan; at pagka ang isa ay nagtatayo ng isang kuta, narito, kanilang tinatapalan ng masamang argamasa:

11 Sabihin mo sa kanila na nangagtatapal ng masamang argamasa, na yao'y mababagsak: magkakaroon ng bugso ng ulan; at kayo. Oh malalaking granizo, ay babagsak; at isang unos na hangin ay titibag niyaon.

12 Narito, pagka ang kuta ay nabagsak, hindi baga sasabihin sa inyo: Saan nandoon ang tapal na inyong itinapal?

13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Akin ngang titibagin ng unos na hangin sa aking kapusukan; at magkakaroon ng bugso ng ulan sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo sa kapusukan upang tunawin.

14 Gayon ko ibabagsak ang kuta na inyong tinapalan ng masamang argamasa, at aking ilalagpak sa lupa, na anopa't ang pinagsasaligan niyaon ay malilitaw: at mababagsak, at kayo'y malilipol sa gitna niyaon; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

15 Ganito ko wawakasan ang aking kapusukan sa kuta, at sa nangagtapal ng masamang argamasa; at sasabihin ko sa iyo, Ang kuta ay wala na, o ang nangagtatapal man;

16 Sa makatuwid baga'y ang mga propeta ng Israel, na nanganghuhula tungkol sa Jerusalem, at nangakakakita ng pangitaing kapayapaan para sa bayan, at walang kapayapaan, sabi ng Panginoong Dios.

17 At ikaw, anak ng tao, itingin mo ang iyong mukha laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nanganghuhula ng mula sa kanilang sariling puso; at manghula ka laban sa kanila,

18 At iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sa aba ng mga babae na nangananahi ng mga unan sa lahat ng siko, at nagsisigawa ng mga lambong na ukol sa ulo ng iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Hahanapin baga ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at mangagliligtas na buhay ng mga kaluluwa sa ganang inyong sarili?

19 At inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa mga dakot na cebada, at dahil sa mga putol ng tinapay, upang ipahamak ang mga kaluluwa na hindi marapat mamatay, at upang iligtas na buhay ang mga kaluluwa na hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong pagbubulaan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan.

20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, ako'y laban sa inyong mga unan, na inyong ipinanghahanap ng mga kaluluwa, na paliparin sila, at aking mga lalabnutin sa inyong mga kamay; at aking pawawalan ang mga kaluluwa, sa makatuwid baga'y ang mga kaluluwa na inyong hinahanap upang paliparin.

21 Ang inyo namang mga lambong ay aking lalabnutin, at ililigtas ko ang aking bayan sa inyong kamay, at hindi na sila mangapapasa inyong kamay na mahanap; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

22 Sapagka't sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinighati ang puso ng matuwid, na hindi ko pinalungkot, at inyong pinalakas ang kamay ng masama, upang huwag humiwalay sa kaniyang masamang lakad, at maligtas na buhay;

23 Kaya't hindi na kayo mangakakakita ng walang kabuluhang pangitain o manganghuhula man ng mga panghuhula: at aking ililigtas ang aking bayan mula sa inyong kamay; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

14 Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa mga matanda sa Israel, at nangaupo sa harap ko.

At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na nagsasabi,

Anak ng tao, tinaglay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diosdiosan sa kanilang puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mukha: dapat bagang sanggunian nila ako?

Kaya't salitain mo sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Bawa't tao sa sangbahayan ni Israel na nagtataglay ng kaniyang mga diosdiosan sa kaniyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang mukha, at naparoroon sa propeta; akong Panginoon ay sasagot sa kaniya roon ng ayon sa karamihan ng kaniyang mga diosdiosan;

Upang aking makuha ang sangbahayan ni Israel sa kanilang sariling puso sapagka't silang lahat ay nagsilayo sa akin dahil sa kanilang mga diosdiosan.

Kaya't sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Mangagbalik-loob kayo, at kayo'y magsitalikod sa inyong mga diosdiosan; at ihiwalay ninyo ang inyong mga mukha sa lahat ninyong kasuklamsuklam.

Sapagka't bawa't tao sa sangbahayan ni Israel, o sa mga taga ibang lupa na nangananahan sa Israel, na humihiwalay ng kaniyang sarili sa akin, at nagtataglay ng kaniyang mga diosdiosan sa kaniyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang mukha, at naparoroon sa propeta upang magusisa sa akin tungkol sa kaniyang sarili; akong Panginoon ang sasagot sa kaniya:

At aking ititingin ang aking mukha laban sa taong yaon, at aking gagawin siyang katigilan, na pinakatanda at pinaka kawikaan, at aking ihihiwalay siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

At kung ang propeta ay madaya at magsalita ng isang salita, akong Panginoon ang dumaya sa propetang yaon, at aking iuunat ang aking kamay sa kaniya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel.

10 At kanilang dadanasin ang kanilang kasamaan: ang kasamaan ng propeta ay magiging gaya nga ng kasamaan niya na humahanap sa kaniya;

11 Upang ang sangbahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang pagsalangsang; kundi upang sila'y maging aking bayan, at ako'y maging kanilang Dios, sabi ng Panginoong Dios.

12 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

13 Anak ng tao, pagka ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng pagsalangsang, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyaon, at nagsugo ako ng kagutom doon, at aking inihiwalay roon ang tao at hayop;

14 Bagaman ang tatlong lalaking ito, na si Noe, si Daniel at si Job, ay nangandoon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga kaluluwa, sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong Dios.

15 Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain, at kanilang sirain, at ito'y magiba na anopa't walang taong makadaan dahil sa mga hayop;

16 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; sila lamang ang maliligtas, nguni't ang lupain ay masisira.

17 O kung ako'y magpasapit ng tabak sa lupaing yaon, at aking sabihin, Tabak, dumaan ka sa lupain; na anopa't aking ihiwalay roon ang tao at hayop;

18 Bagaman ang tatlong lalaking ito ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, sila'y hindi mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas.

19 O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing yaon, at aking ibugso ang aking kapusukan sa kaniya na may kabagsikan, upang ihiwalay ang tao't hayop;

20 Bagaman si Noe, si Daniel, at si Job, ay nangandoon, buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, hindi sila mangagliligtas ng mga anak na lalake o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling kaluluwa sa pamamagitan ng kanilang katuwiran.

21 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Gaano pa nga kaya kung aking pasapitin ang aking apat na mahigpit na kahatulan sa Jerusalem, ang tabak, at ang kagutom, at ang mabangis na hayop, at ang salot, upang ihiwalay roon ang tao at hayop?

22 Gayon ma'y, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalake at sangpu ng babae: narito, kanilang lalabasin kayo, at inyong makikita ang kanilang mga lakad at ang kanilang mga gawa; at kayo'y mangaaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinasapit sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon.

23 At kanilang aaliwin kayo pagka nakikita ninyo ang kanilang lakad at ang kanilang mga gawa at inyong makikilala na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong Dios.

15 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi.

Anak ng tao, ano ang higit ng puno ng baging kay sa alin mang puno ng kahoy, ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punong kahoy sa gubat?

Makakakuha baga ng kahoy doon upang gawing anomang kayarian? o makakakuha baga roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anomang kasangkapan?

Narito, inihahagis sa apoy na parang panggatong; sinusupok ng apoy ang dalawang dulo niyaon, at ang gitna niyao'y nasusunog; magagamit baga sa anomang gawain?

Narito, ng buo pa, hindi nagagamit sa anomang gawain: gaano pa nga kaya, pagka nasupok ng apoy, at nasunog, magagamit pa baga sa anomang gawain?

Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Kung paano ang puno ng baging sa gitna ng mga puno ng kahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy na panggatong, gayon ko ibibigay ang mga nananahan sa Jerusalem.

At aking ititingin ang aking mukha laban sa kanila: sila'y magsisilabas sa apoy, nguni't susupukin sila ng apoy; at inyong malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking itiningin ang aking mukha laban sa kanila.

At aking sisirain ang lupain, sapagka't sila'y gumawa ng pagsalangsang, sabi ng Panginoong Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain