Chronological
10 Inyong dinggin ang salita na sinasalita ng Panginoon sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong matuto ng lakad ng mga bansa, at huwag kayong manganglupaypay sa mga tanda ng langit; sapagka't ang mga bansa ay nanganglulupaypay sa mga yaon.
3 Sapagka't ang mga kaugalian ng mga bayan ay walang kabuluhan: sapagka't may pumuputol ng punong kahoy sa gubat, na siyang gawa ng mga kamay ng manggagawa sa pamamagitan ng palakol.
4 Kanilang ginagayakan ng pilak at ng ginto; kanilang ikinakapit ng mga pako at ng mga pamukpok, upang huwag makilos.
5 Sila'y gaya ng puno ng palma, na binilog, at hindi nagsasalita: kinakailangang pasanin, sapagka't hindi makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga yaon, sapagka't hindi makagagawa ng kasamaan, ni wala ring magagawang mabuti.
6 Walang gaya mo, Oh Panginoon; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan.
7 Sinong hindi matatakot sa iyo, Oh Hari ng mga bansa? sapagka't sa iyo nauukol; palibhasa'y sa gitna ng lahat ng pantas sa mga bansa, at sa lahat nilang kaharian, ay walang gaya mo.
8 Kundi sila'y pawang tampalasan at hangal turo ng mga dios-diosan, yao'y kahoy lamang.
9 May pilak na pinukpok na dinala rito mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz, na gawa ng manggagawa at ng mga kamay ng panday; azul at kulay ube ang kanilang damit; gawang lahat ng mga bihasang manggagawa.
10 Nguni't ang Panginoon ay tunay na Dios; siya ang buhay na Dios, at walang hanggang Hari: sa kaniyang poot ay nayayanig ang lupa, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kaniyang galit.
11 Ganito ang inyong sasabihin sa kanila, Ang mga dios na hindi gumawa ng langit at ng lupa, ang mga ito ang mangalilipol sa lupa, at sa silong ng langit.
12 Kaniyang ginawa ang lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, kaniyang itinatag ang sanglibutan sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, at kaniyang iniladlad ang langit sa pamamagitan ng kaniyang pagkaunawa:
13 Pagka siya'y naguutos, may hugong ng tubig sa langit, at kaniyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa; siya'y nagpapakidlat para sa ulan, at naglalabas ng hangin mula sa mga kinalalagyan.
14 Bawa't tao ay naging tampalasan at walang kaalaman; bawa't panday ay nalagay sa kahihiyan sa kaniyang larawang inanyuan; sapagka't ang kaniyang larawang binubo ay kabulaanan, at hindi humihinga ang mga yaon.
15 Sila'y walang kabuluhan, gawang karayaan: sa panahon ng pagdalaw sa mga yaon sila ay mangalilipol.
16 Ang bahagi ng Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagka't siya ang may kapal sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi na kaniyang mana ang Panginoon ng mga hukbo ay siyang kaniyang pangalan.
17 Iyong pulutin ang iyong mga kalakal mula sa lupain, Oh ikaw na nakukubkob.
18 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibubulid ang mga mananahan sa lupain sa panahong ito, at aking pahihirapan sila upang sila'y makaramdam.
19 Sa aba ko, dahil sa aking sugat! ang aking sugat ay malubha: nguni't aking sinabi, Tunay na ito ay aking hirap, at aking marapat na tiisin.
20 Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay nangapatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na: wala nang magtayo pa ng aking tolda, at magtaas ng aking mga tabing.
21 Sapagka't ang mga pastor ay naging tampalasan, at hindi nagsisangguni sa Panginoon: kaya't hindi sila magsisiginhawa, at lahat nilang kawan ay nangalat.
22 Ang tinig ng mga balita, narito, dumarating, at malaking kagulo mula sa lupaing hilagaan, upang gawing kagibaan ang mga bayan ng Juda, at tahanan ng mga chakal.
23 Oh Panginoon, talastas ko na ang lakad ng tao ay hindi sa kaniyang sarili; hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.
24 Oh Panginoon, sawayin mo ako, nguni't sa pamamagitan ng kahatulan; huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala.
25 Iyong ibuhos ang iyong kapusukan sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga angkan na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan; sapagka't kanilang sinakmal ang Jacob, oo, kanilang sinakmal siya, at nilipol siya, at sinira ang kaniyang tahanan.
11 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi,
2 Inyong pakinggan ang mga salita ng tipang ito, at inyong salitain sa mga tao ng Juda, at sa mga nananahan sa Jerusalem,
3 At iyong sabihin sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Sumpain ang taong hindi nakikinig ng mga salita ng tipang ito,
4 Na aking iniutos sa iyong mga magulang, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa hurnong bakal, na nagsasabi, inyong talimahin ang aking tinig, at inyong isagawa, ayon sa lahat na iniuutos ko sa inyo: sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Dios;
5 Upang aking maitatag ang sumpa na aking isinumpa sa inyong mga magulang, upang ibigay ko sa kanila ang isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito. Nang magkagayo'y sumagot ako, at sinabi ko, Siya nawa, Oh Panginoon.
6 At sinabi ng Panginoon sa akin, Inyong itanyag ang lahat ng mga salitang ito sa mga bayan ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem, na inyong sabihin, Inyong dinggin ang mga salita ng tipang ito, at inyong isagawa.
7 Sapagka't aking pinatunayang mainam sa inyong mga magulang nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Egipto, hanggang sa araw na ito, na ako'y bumabangong maaga at pinatutunayan ko, na aking sinasabi, Inyong talimahin ang aking tinig.
8 Gayon ma'y hindi nila tinalima o ikiniling man ang kanilang pakinig kundi lumakad bawa't isa sa pagmamatigas ng kanilang masamang puso: kaya't dinala ko sa kanila ang lahat na salita ng tipang ito, na aking iniutos sa kanila na isagawa, nguni't hindi nila isinagawa.
9 At sinabi ng Panginoon sa akin, Isang pagbabanta ay nasumpungan sa gitna ng mga lalake ng Juda, at sa gitna ng mga nananahan sa Jerusalem.
10 Sila'y nanganumbalik sa mga kasamaan ng kanilang mga kanunuan, na nagsitangging duminig ng aking mga salita; at sila'y nagsisunod sa ibang mga dios upang paglingkuran: sinira ng sangbahayan ni Israel at ng sangbahayan ni Juda ang aking tipan na aking ipinakipagtipan sa kanilang mga magulang.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, na hindi nila matatakasan; at sila'y magsisidaing sa akin, nguni't hindi ko sila didinggin.
12 Kung magkagayo'y magsisiyaon at magsisidaing ang mga bayan ng Juda at ang mga nananahan sa Jerusalem sa mga dios na kanilang pinaghandugan ng kamangyan: nguni't hindi sila ililigtas nila sa anoman sa panahon ng kanilang kabagabagan.
13 Sapagka't ayon sa bilang ng iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga dios. Oh Juda; at ayon sa bilang ng mga lansangan ng Jerusalem ay nagtayo kayo ng mga dambana sa kahiyahiyang bagay, mga dambana upang pagsunugan ng kamangyan kay Baal.
14 Kaya't huwag mong idalangin ang bayang ito, o palakasin man ang daing patungkol sa kanila ni dalangin man; sapagka't hindi ko didinggin sila sa panahon na sila'y magsisidaing sa akin dahil sa kanilang kabagabagan.
15 Anong magagawa ng aking sinta sa aking buhay, yamang siya'y gumawa ng kahalayan sa marami, at ang banal na lamang handog ay humiwalay sa iyo? pagka ikaw ay gumagawa ng kasamaan, ikaw nga'y nagagalak.
16 Tinawag ng Panginoon ang iyong pangalan, Sariwang puno ng olivo, maganda na may mainam na bunga: sa pamamagitan ng ingay ng malaking kagulo ay kaniyang sinilaban ng apoy, at ang mga sanga niyaon ay nangabali.
17 Sapagka't ang Panginoon ng mga hukbo, na nagtatag sa iyo, ay nagbabadya ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaan ng sangbahayan ni Israel, at ng sangbahayan ni Juda na kanilang ginawa sa ganang kanilang sarili sa pamumungkahi sa akin sa galit sa pamamagitan ng paghahandog ng kamangyan kay Baal.
18 At binigyan ako ng kaalaman ng Panginoon tungkol doon, at naalaman ko: nang magkagayo'y ipinakita mo sa akin ang kanilang mga gawa.
19 Nguni't ako'y gaya ng maamong kordero na pinapatnubayan sa patayan; at hindi ko naalaman na sila'y nangakakatha na ng mga katha laban sa akin, na nangagsasabi, Ating sirain ang punong kahoy sangpu ng bunga niyaon, at ating ihiwalay siya sa lupain ng buhay, upang ang kaniyang pangalan ay huwag ng maalaala.
20 Nguni't, Oh Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid, na tumatarok ng puso at ng pagiisip, ipakita mo sa akin ang iyong kagantihan sa kanila; sapagka't sa iyo inihayag ko ang aking usap.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalake ng Anathoth na nagsisiusig ng iyong buhay, na nangagsasabi, Ikaw ay huwag manghuhula sa pangalan ng Panginoon, upang huwag kang mamatay sa aming kamay;
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, Narito, aking parurusahan sila: ang mga binata ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak; ang kanilang mga anak na lalake at babae ay mangamamatay dahil sa gutom;
23 At hindi magkakaroon ng nalabi sa kanila: sapagka't ako'y magdadala ng kasamaan sa mga lalake ng Anathoth, sa makatuwid baga'y sa taon ng pagdalaw sa kanila.
12 Ikaw ay matuwid, Oh Panginoon, nang ako'y makipagtalo sa iyo; gayon ma'y makikipagmatuwiranan ako sa iyo: bakit gumiginhawa ang lakad ng masama? bakit nangatitiwasay silang lahat na nagsisigawa ng may lubhang kataksilan?
2 Iyong itinanim sila, oo, sila'y nangagkaugat; nagsisitubo, oo, sila'y nangagbubunga: ikaw ay malapit sa kanilang bibig, at malayo sa kanilang mga puso.
3 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, nakakakilala sa akin; iyong nakikita ako, at tinatarok mo ang aking puso: itaboy mo silang gaya ng mga tupa sa patayan, at ihanda mo sila sa kaarawan ng pagpatay.
4 Hanggang kailan tatangis ang lupain, at matutuyo ang mga damo sa buong lupain? dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon, nilipol ang mga hayop, at ang mga ibon; sapagka't kanilang sinabi, Hindi niya makikita ang ating huling kawakasan.
5 Kung ikaw ay tumakbo na kasama ng nangaglalakad, at kanilang pinagod ka, paano ngang makikipagunahan ka sa mga kabayo? at bagaman sa lupain ng kapayapaan ay tiwasay ka, gayon ma'y paano ang gagawin mo sa kapalaluan ng Jordan?
6 Sapagka't ang iyong mga kapatid man at ang sangbahayan ng iyong magulang, ay nagsigawa ring may kataksilan sa iyo; nagsihiyaw rin ng malakas sa hulihan mo: huwag mong paniwalaan sila, bagaman sila'y nangagsasalita ng mga mabuting salita sa iyo.
7 Aking pinabayaan ang aking bahay, aking itinakuwil ang aking mana; aking ibinigay ang giliw na sinta ng aking kaluluwa sa kamay ng kaniyang mga kaaway.
8 Sa akin ang mana ko ay naging parang leon sa gubat: kaniyang inilakas ang kaniyang tinig laban sa akin; kaya't aking ipinagtanim siya.
9 Ang akin bagang mana sa akin ay naging parang mangdadagit na ibong batikbatik? ang mga mangdadagit na ibon baga ay laban sa kaniya sa palibot? kayo'y magsiyaon, inyong pagpulungin ang lahat na hayop sa parang, inyong dalhin sila rito upang magsipanakmal.
10 Sinira ng maraming pastor ang aking ubasan, kanilang niyapakan ng paa ang aking bahagi, kanilang ginawa ang aking mahalagang bahagi na ilang na sira.
11 Kanilang ginawa, itong isang kagibaan; tumatangis sa akin, palibhasa'y sira; ang buong lupain ay nasira, sapagka't walang taong gumugunita.
12 Mga manglilipol ay nagsidating sa lahat na luwal na kaitaasan sa ilang: sapagka't ang tabak ng Panginoon ay nananakmal mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain walang taong may kapayapaan.
13 Sila'y nangaghasik ng trigo, at nagsiani ng mga tinik: sila'y nangagpakahirap, at walang pinakikinabang: at kayo'y mangapapahiya sa inyong mga gawa, dahil sa mabangis na galit ng Panginoon.
14 Ganito ang sabi ng Panginoon laban sa lahat na masama kong kapuwa, na nagsisigalaw ng mana sa aking bayang Israel, Narito, akin silang bubunutin sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sangbahayan ni Juda sa gitna nila.
15 At mangyayari, na pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at aking ibabalik sila uli, bawa't tao ay sa kaniyang mana, at bawa't tao ay sa kaniyang lupain.
16 At mangyayari, kung kanilang matutuhang masikap ang mga lakad ng aking bayan, ang pagsumpa sa pangalan ko, Buhay ang Panginoon; sa makatuwid baga'y gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pangalan ni Baal: ay mangatatayo nga sila sa gitna ng aking bayan.
17 Nguni't kung hindi nila didinggin, akin ngang bubunutin ang bansang yaon, na bubunutin at lilipulin sabi ng Panginoon.
13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong mga bayawang at huwag mong ilubog sa tubig.
2 Sa gayo'y bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking mga bayawang.
3 At ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin na ikalawa, na nagsabi,
4 Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong mga bayawang, at ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at ikubli mo roon sa isang bitak ng malaking bato.
5 Sa gayo'y yumaon ako, at ikinubli ko sa tabi ng Eufrates ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at kunin mo ang pamigkis mula roon, na iniutos ko sa iyong ikubli mo roon.
7 Nang magkagayo'y yumaon ako sa Eufrates, at hinukay ko, at kinuha ko ang pamigkis mula sa dakong aking pinagkublihan; at, narito, ang pamigkis ay bulok, hindi mapapakinabangan sa anoman.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayon sa paraang ito ay aking sasayangin ang kapalaluan ng Juda, at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig ng mga salita ko, na lumalakad ayon sa katigasan ng kanilang puso, at yumaong sumunod sa ibang mga Dios upang paglingkuran, at upang sambahin, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi mapapakinabangan sa anoman.
11 Sapagka't kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa mga balakang ng lalake, gayon pinakapit ko sa akin ang buong sangbahayan ni Israel at ang buong sangbahayan ni Juda, sabi ng Panginoon; upang sila'y maging pinakabayan sa akin, at pinakapangalan, at pinakapuri, at pinakaluwalhati: nguni't hindi nila dininig.
12 Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.
14 At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.
15 Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang kadiliman.
17 Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.
18 Iyong sabihin sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian.
19 Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.
20 Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam?
22 At kung iyong sabihin sa puso, Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan.
23 Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.
24 Kaya't aking pangangalatin sila, gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging sukat sa iyo na mula sa akin, sabi ng Panginoon; sapagka't iyong nilimot ako, at tumiwala ka sa kabulaanan.
26 Kaya't akin namang ililihis ang iyong mga laylayan sa harap ng iyong mukha, at ang iyong kahihiyan ay malilitaw.
27 Aking nakita ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, sa makatuwid baga'y ang iyong mga pangangalunya, at ang iyong mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, sa mga burol sa parang. Sa aba mo, Oh Jerusalem! ikaw ay hindi malilinis; hanggang kailan pa magkakaganyan?
Public Domain